Sa nalalapit na halalang 2022, naghahabol ang AFP at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng pondo upang makapanatili sa kapangyarihan ang kanilang punong kumander na si Duterte. Nagkukumahog silang makakuha ng P47 bilyong karagdagang pondo para sa ikalawang bahagi ng Barangay Development Program (BDP), ang huwad na programang sosyo-ekonomiko ng NTF-ELCAC. Ilalaan umani ito sa karagdagang 2,368 NPA-cleared barangays mula 2011-2015 at noong 2020. Nauna nang pinondohan ng BDP Phase I ang P16.4 bilyon ang 822 barangay.
Para bigyang katwiran ang dagdag na pondo kahit sa gitna ng kakulangan ng badyet para sa pagharap sa pandemya, nagngangangawa ngayon sina Badoy, Parlade at iba pang tagapagsalita ng NTF-ELCAC na target umano sila ng Operation Delta ng CPP-NPA-NDFP. Kakatwang kasabay din ito ng pagsasabi nilang lubha na nilang napahina ang rebolusyonaryong kilusan.
Binubusog ng BDP ang hari ng korupsyon na si Duterte, ang kanyang mga inaalagaang burukrata at kanilang mga protektor na militar bilang paghahanda sa darating na halalan. Masahol, nakatuntong ang mga programang pangkorupsyong ito sa malawakang pandarahas sa mga komunidad sa kanayunan. Mararahas na operasyong militar, ekstrahudisyal na pamamaslang, pagpapatahimik sa mga lokal na sibilyang upisyal, pang-aagaw ng lupa, pag-antala sa kabuhayan, panonortyur, pagwasiwas ng Anti-Terror Law at iba pang paglabag sa karapatang tao ang rekisito para ideklarang kwalipikado para sa BDP.
Sa Bikol, tiba-tiba sina Duterte, ang 9th IDPA, RTF-ELCAC at mga makapangyarihang pulitiko sa P980 milyong pondong inisyal na ilinaan sa rehiyon ng BDP. Liban sa kurakot para sa iilan, binibigyang-daan din ng BDP ang pagpasok ng higit pang mga mapaminsala at dambuhalang negosyo at proyektong neoliberal. Datos ang makapagpapatunay na panlilinlang lamang ang ilinalakong kaunlaran ng programang ito at iba pang nauna rito. Ayon mismo sa reaksyunaryong gubyerno, sa kabila ng tagibang na pokus sa imprastruktura at ekoturismo ay Kabikulan pa rin ang isa sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa hanggang ngayon.
Aanhin ng mga residente ng San Fernando, Camarines Sur ang mga farm to market roads gayong nakaamba na silang palayasin mula sa kanilang mga komunidad dulot ng proyektong ekoturismong Pasacao-Balatan Tourism Nautical Highway? Aanhin ng mga magsasaka sa Aroroy at Baleno, Masbate ang water at sanitation facilities gayong sinira at linason na ng malaking minahang Filminera ang kanilang lupa't katubigan? Para saan ang reforestation kung kakalbuhin lang din ng PNR South Long Haul ang mga kabukiran at kagubatan mula Camarines Norte hanggang Matnog, Sorsogon? Aanhin ng mga komunidad sa Capalonga, Camarines Norte ang mga eskwelahan gayong inuubos na sa pagpatay ng militar ang mga residente?
Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano: dapat biguin ang kampanyang kontrainsurhensya ng rehimeng US-Duterte at panagutin ito sa mga karumal-dumal na krimen sa mamamayan. Ang pagpapabagsak sa rehimen at mga pasistang galamay nito ay malaking pagsulong ng digmang bayan at rebolusyonaryong kilusan – ang natatanging kilusang makapagpapatunay na nasa kamay ng nagrerebolusyong mamamayan ang pagkamit sa tunay na kapayapaan at kaunlaran.
No comments:
Post a Comment