Walang kaparis na kagutuman at kahirapan ang idinulot ng rehimeng US-Duterte sa paghambalos nito ng isa sa pinakamatitinding neoliberal at pasistang atake laban sa masang magsasaka.

Kinatangian ang limang taong panunungkulan ni Duterte ng pagkukumpleto sa mga neoliberal na dikta ng General Agreement on Trade and Tariffs -World Trade Organization (GATT-WTO) sa lupa at agrikultura. Pinalubha ng kanyang rehimen ang malapyudal na pagsasamantala sa pagsasabatas ng walang limitasyong importasyon ng bigas, karne, isda at iba pang pagkain. Malawakan rin ang naging pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa dulot ng programang imprastrukturang Build, Build, Build.

Sa Bikol, tumama ang neoliberal na hagupit sa signipikanteng pagbagsak ng agrikultural na produksyon habang dinudumog ng malalaking mapandambong at kontra-mamamayang proyekto sa mina, imprastruktura at ekoturismo ang mga sakahan, katubigan, taniman at kagubatan. Libu-libong pamilyang Bikolano ang napalayas sa kanilang lupang binubungkal at nawalan ng kabuhayan.

Kasabay ng atake sa agrikultura ang isa sa pinakabrutal at pinakamadugong gera laban sa masang magsasaka sa tabing ng hungkag na kampanyang kontrainsurhensya at terorismo. Sa ilalim ni Duterte, isa ang Kabikulan sa mga pinakamilitarisadong rehiyon matapos itong maibilang sa mga pokus na erya sa ilalim ng MO 32. Pinuntirya rin ang rehiyon para sa kanyang pakanang huwad at militaristang reporma sa lupa. Sa pangunguna ng Joint Task Force Bicolandia, kasalukuyang dinudumog ng 16 na batalyon ng pulis at militar ang Kabikulan sa layuning wasakin ang naipundar na mga tagumpay ng kilusang magsasaka sa rehiyon. Sa limang taon ng massacre king na si Duterte, nanguna ang Kabikulan sa talaan ng mga paglabag sa karapatang tao, partikular sa dami ng pampulitikang pamamaslang at masaker ng mga magsasaka.

Lahat ng ito'y sa pag-aasam na durugin ang kilusang magsasaka, ang mayor na balon ng lakas ng armadong rebolusyonaryong kilusan. Subalit bigo ang rehimen na padapain ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ilinuwal ng pinakamasasahol na atake sa buhay at kabuhayan ang iba't ibang anti-pyudal at anti-pasistang paglaban ng magsasakang Bikolano, kapwa ispontanyo at organisado. Mula sa kumprontasyon sa mga nag-ooperasyong militar, sama-samang produksyon at tulungang kumukundena sa palpak na pagtugon ng rehimen sa pandemya, kampanya para sa paggigiit ng makabuluhang ayuda at suporta, at pagkilos para sa tunay na repormang agraryo, walang pagkakaisang nabuwag at walang paninindigang napatiklop.

Sa halip, patuloy na kinikilala ng masang magsasakang Bikolano ang kanilang makauring lakas. Higit anupaman, lalong tumibay ang kanilang kapasyahan na ibayong isulong ang digmang bayan. Patuloy silang naglulunsad ng rebolusyong agraryo at nakikinabang sa ilampung libong ektarya ng sinasakang lupaing produkto ng kanilang pagsuporta at aktwal na paglahok sa armadong paglaban. Tinatamasa nila ang higit na mababang upa sa lupa, higit na mataas na hati sa ani, higit na mataas na presyo ng produkto at higit na mahusay na sistema ng sama-samang produksyon. Taliwas sa pinalalabas ng AFP na humihina na ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at sa buong bansa, patuloy pang dumarami ang masang magsasakang sumasampa sa Bagong Hukbong Bayan at sumusuporta sa armadong pakikibaka. Sa mga kosolidadong komunidad sa kanayunan, nakatayo sa iba't ibang antas ang mga organo ng Pulang kapangyarihan. Buong pagsisikap na pinapraktika at pinagyayaman ng masang magsasaka ang pagtataguyod ng isang rebolusyonaryong gubyernong mula at tunay na sa kanila.

Bilang pangunahing puntirya ng gera kontra mamamayan ni Duterte, higit pang tumingkad ang mapagpasyang papel ng uring magsasaka sa pagpapabagsak sa pasistang rehimen at pagsusulong ng armadong rebolusyon. Hamon sa rebolusyonaryong kilusan at sa masang magsasaka sa rehiyon na konsolidahin at mahigpit na panghawakan ang mga tagumpay sa paglulunsad ng digmang bayan sa harap ng nag-uulol na desperasyon ni Duterte na wasakin ito. Sa kritikal na yugtong ito ng lipunang Pilipino, higit na nakasalalay sa tapang, pagkakaisa, pagkilos at paglaban ng mamamayan, higit ng masang magsasaka, ang pagkakamit ng isang tunay na maunlad at malayang bukas.


This free site is ad-supported. Learn more