Malugod na tinatanggap ng NDFP-ST ang inilabas na Panuntunan (Rules) ng Korte Suprema ng bansa na nag-aatas sa Philippine National Police (PNP) at iba pang mga ahente ng batas na mandatory ang paggamit ng body-worn cameras at iba pang recording devices sa pagpapatupad ng search warrant (SW) at warrant of arrest (WOA). Bagamat di puspusan at maraming butas sa panuntunan, na maaaring ikutan at lusutan ng mga tagapagpatupad ng batas, maituturing pa rin itong positibong hakbang ng Korte Suprema para pangalagaan at protektahan ang mga pundamental na karapatan ng mga Pilipino.
Kinikilala din ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na ang paglalabas ng panuntunan ng Korte Suprema ay resulta ng masikhay na pagkilos at puspusang pakikibaka ng sambayanan upang wakasan ang impyunidad at kultura ng mga pagpatay, karahasan, pag-aabuso sa kapangyarihan at paglabag sa karapatang pantao ng PNP, AFP at iba pang mga armadong ahente ng estado. Ang pag-iral ng kultura ng karahasan at mga pamamaslang ng AFP at PNP bilang patakaran ng estado ay lalong tumingkad at lumaganap sa panahon ni Duterte dahil na rin sa iniengganyo ito ng pasistang rehimeng US-Duterte. Tumatanggap ng suhol at pabuya, binibigyan ng kaakibat na promosyon at sa panahon ng pagreretiro, ginagantimpalaan ng pwesto sa gubyerno ang mga Heneral at iba pang mataas na opisyal ng PNP at AFP na buong katapatan at bulag na sinusunod ang ipinatutupad na madugong kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga at anti-komunismo.
Ayon sa panuntunan ng Korte Suprema, dumarami ang mga napapaulat na namamatay na sibilyan sa panahon ng pagpapatupad ng mandamyento (warrants) na inilalabas ng mga Trial Courts kung saan ang mga dahilan at kundisyon ng naturang pagkamatay ng mga sibilyan ay malawakang tinutunggali at pinasusubalian ng mga saksi at kaanak ng mga biktima. Ang pag-unlad ng teknolohiya, partikular ng pagkakaroon ng body-worn cameras, ay "nagiging posible kapwa ang integrasyon sa gamit nito (body-cam) bilang suporta sa mga tagapagpatupad ng batas at kasabay napoprotektahan ang mga pundamental na karapatan ng mamamayan," dagdag pa ng Korte Suprema.
Sa Panuntunan 2 ng mga Panuntunan ng Korte Suprema kaugnay sa paggamit ng Body-Worn Cameras, sinasabi na matapos na madetermina ng Korte na may probable cause, maaari na itong magpalabas ng warrant of arrest na may nakasaad ding utos sa mga alagad ng batas na dapat gumamit ng dalawang recording devices. Maaari ang isa ay body-worn camera at isang alternatibong recording device na may kakayahang lumikha, magpadala, tumanggap, mag-imbak, magpalabas at magproseso ng audio-visual na mga recordings habang suot ng mga tagapagtupad ng batas sa panahon ng kanyang mga aktibidad. Kung walang magagamit na body worn camera, kailangang humingi ng pahintulot sa Korte ang mga alagad ng batas para makagamit ng alternatibong recording device batay sa makatuwirang dahilan.
Kaugnay naman sa paghiling sa Korte kaugnay sa pag-iisyu ng Search Warrant, ayon sa panunutunan ng Korte Suprema, dapat nakasaad sa aplikasyon ng mga tagapagpatupad ng batas kung mayroon o walang magagamit na body-worn cameras. Kung wala, ang aplikante ay dapat humiling ng pahintulot sa Korte na payagan itong gumamit ng alternatibong recording devices.
Tinitingnan ding positibo ng NDFP-ST ang ginawang desisyon ng Korte Suprema na nag-aalis ng otoridad sa mga Executive Judges and Vice Executive Judges ng mga Trial Courts sa Manila at Quezon City na magpalabas ng search warrants labas sa kanilang regional jurisdiction (NCR). Ibig sabihin, maaari lamang silang maglabas ng kanilang kautusan sa SW sa loob ng Metro-Manila. Tinutugunan nito ang mga pagtutol at reklamo ng mga grupo sa karapatang pantao sa kapangyarihan ng mga executives judges at mga vice executives judges ng Manila at Quezon City Trial Courts na mag-isyu ng mga kwestiyonableng search warrants na maaaring ipatupad saan mang panig ng bansa.
Sa Section 2, Rule 5 ng bagong inilabas na panuntunan ng SC, ipinawawalang bisa nito ang Chapter V, Section 12 of Administrative Matter (A.M) No. 03-8-02-SC, as amended, kung saan nagbibigay ng kapangyarihan sa mga executive judges, at kung hindi sila maaari, ang kanilang vice executive judges, ng Manila at Quezon City Trial Courts na magpalabas ng search warrants na maaaring ipatupad saan mang bahagi ng bansa. Dahil dito, ang ilang mga Trial Courts sa Manila at Quezon City ay nagsilbing factory of warrants at nagresulta ng mga pagpatay at pagkakakulong ng maraming mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao at lider ng iba't ibang progresibong organisasyon at partylist kung saan ang karamihan sa mga naging biktima ay mga dumanas din ng red-tagging mula sa pasistang rehimeng US-Duterte.
Ang AM No. 03-8-02-SC na inilabas ng SC noong 2004 ang ginamit ni Quezon City Executive Judge Cecilyn Burgos Villavert para maglabas ng sangkaterbang search warrants na humantong sa mga pagpatay at pagkakakulong ng mga aktibista at mga lider ng mga progresibong organisasyon sa Isla ng Negros sa Kanlurang Visayas. Ito rin ang ginamit ni Executive Judge Jason Zapanta at First Vice Executive Judge Jose Lorenzo de la Rosa ng Manila Trial Courts sa pagpapalabas ng kwestiyonableng search warrants na humantong sa March 7 Bloody Sunday sa Timog Katagalugan. Si Judge Zapanta ang nagpalabas ng search warrant sa pinaslang na mag-asawang Ariel Evangelista at Chai Lemita ng Nasugbu, Batangas. Si Judge de la Rosa naman ang nagpalabas ng tatlong (3) search warrants kung saan ang isa ay nakapangalan sa napaslang na kilalang lider ng Bagong Alyansang Makabayan sa Cavite na si Manny Asuncion.
Ayon sa Office of the Court Administrator (OCA), may kabuuang 63 search warrants ang inaplayan ng PNP-Region IV-A (CALABARZON) sa sala ni Executive Judge Jason Zapanta ng Manila Trial Courts kung saan 42 ang aprubado. Ang mga naaprubahang aplikasyon para sa pagpapalabas ng SW ng Manila Trial Courts at mga inisyu ng Regional Trial Courts sa probinsya ng Rizal ang ginamit ng mga operatiba ng PNP Region IV-A at elemento ng AFP na nagresulta sa pagkapaslang sa 9 at pagkadakip ng 6 na mga aktibista at kilalang lider ng mga progresibong grupo sa rehiyong Timog Katagalugan. Nangyari ang madugong insidenteng ito sa loob lamang ng magdamag ng Marso 7, 2021 na tinaguriang Bloody Sunday.
Ang inilabas na panuntunan ng Korte Suprema ay maituturing na hampas sa ulo at nagpapapurol sa pangil ng pasistang estado ni Duterte. Pinapahina nito sa isang antas ang epektibidad ng ilang mga batas ng estado na ginagamit bilang sandata laban sa mga kritiko, oposisyon at mamamayang lumalaban sa pasistang rehimen. Sinasagkaan din ng panuntunan ng Korte Suprema ang umiiral na kultura ng impyunidad sa hanay ng PNP at AFP na malayang nakagagawa ng mga krimen at paglabag sa mga pundamental na karapatang pantao lalo na sa hanay ng mga nagdarahop at kapus-palad nating mga kababayan. Magsisilbing balakid ngayon ang bagong panuntunan ng Korte Suprema sa pagpapatupad ni Duterte ng madugong kampanya kontra iligal na droga at "kontra-insurhensyang gera" laban sa mamamayang Pilipino sa ngalan ng diumanong paglaban sa terorismo.
Pinupuri ng NDFP-ST ang naging desisyon ng Korte Suprema na tumindig para sa kapakanan ng taumbayan sa kabila ng mga tinatanggap nitong presyur mula sa ehekutibo at lehislatibo. Ganunpaman, ang kautusan ng Korte Suprema ay hindi maggagarantiya na mawawala ang mga extra judicial killings, karahasan at malawakang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Nariyan at nakaamba ang iba pang mapanupil na batas ng estado, lalo na ang Anti-Terrorism Law of 2020 (ATL 2020), na ngayon ang siyang malakas na sandatang ginagamit ng rehimeng Duterte laban sa kanyang mga kritiko at pinararatangan niyang kaaway ng estado. Wala pang desisyon ang Korte Suprema, bagamat tapos na ang mga oral arguments, kaugnay sa nakahaing petisyon ng 37 grupo na kumukwesyon sa konstitusyonalidad ng naturang batas. Dapat patuloy na kumilos ang taumbayan para sa ipanawagan sa Korte Suprema na lubusang ibasura ang ATL 2020.
Samantala, patuloy ang paghahanap ng hustisya ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng Bloody Sunday. Patuloy silang kumikilos upang mapanagot ang mga opisyal ng PNP, AFP at gubyerno na nasa likod ng karumal-dumal at madugong krimen noong Marso 7, 2021. Ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay patuloy din ang paghahanap ng pagkakataon para mapagbayad nang mahal ang mga salarin hindi lamang sa nangyaring Bloody Sunday kundi ang mga pagpatay, karahasan at terorismo ng PNP at AFP sa mga mamamayan ng rehiyon, lalo na sa mga magsasaka at katutubo at iba pang uring anakpawis.
Hangga't nasa kapangyarihan ang pasista at tiranikong si Duterte at umiiral ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, magpapatuloy ang mga karahasan at terorismo ng reaksyunaryong estado laban sa sambayanang Pilipino. Kailangan patuloy na makibaka para sa pagkakamit ng hustisya. Kumilos nang buong tatag para isulong at ipagtanggol ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga demokratikong karapatan. At ang pinakamahalaga ay tahakin ang landas ng demokratikong rebolusyon ng bayan upang ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan ng bansa na pinaghaharian ng mga oligarko at kamtin ang tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganaan ng sambayanang Pilipino.###
No comments:
Post a Comment