Walang kabusugan sa pandarahas at pagsasamantala ang mga sagad-saring berdugo. Kahit sa iilang nalalabing araw ni SOLCOM Chief Lt. Gen. Parlade at kulang-kulang isang taon ni Duterte sa kani-kanilang pwesto, ihinahabol pa rin nila ang dagdag na pasanin sa mamamayan. Pinakabago sa kanilang mga pakulo ang pagtatayo ng isang baseng nabal sa Panay Islands, Bagamanoc, Catanduanes. Gaya ng iba pang mga base at istrukturang militar, walang ibang idudulot ang planong ito kundi walang kapantay na pagdurusa at pasakit sa masang Catandunganon at mamamayang Bikolano.

Mangangahulugan ito ng malawakang demolisyon ng mga komunidad na hahagipin ng pagtatayo ng baseng nabal. Sa tala noong 2015, hindi bababa sa 318 residente ang naninirahan sa naturang isla. Dati na ngang pinahihirapan ang masang Catandunganon ng pribatisadong sistema ng patubig, kawalan ng suporta sa agrikultura, mabagal at kakarampot na ayuda matapos ang mga bagyo at kawalan ng kongkretong hakbanging sa harap ng pandemya – ngayon naman ay babalikatin pa nila ang pakikipagbuno para sa kanilang kabuhayan at panirahan.

Gayundin, ang pinaplanong baseng nabal ay katumbas ng mas matinding presensya at okupasyon ng militar at pulis. Bilang mga pinakamasusugid na tagapagpatupad ng madugo at brutal na gera kontramamamayan, tiyak na lalong lolobo ang bilang ng mga paglabag sa karapatan at pagsikil sa kalayaang sibil ng mga residente sa naturang prubinsya. Walang kakurap-kurap na yuyurakan ng militar ang lahat ng karapatang tao ng masang Catandunganon sukat hanggang ang kanilang mga sosyoekonomikong karapatan.

Bilang bayarang protektor ng malalaking negosyo, mga lokal at dayuhang kapitalista, garantiya ang dagdag na presensya ng militar para sa mga mamumuhunang nais makapasok sa prubinsya. Tiyak na maglilipana ang mga neoliberal na proyektong matagal nang naglalaway sa natural na rekurso ng Catanduanes. Sigurado ring magpapatuloy, at lalawak pa nga, ang mga iligal na operasyong pasugalan, kalakalan ng droga at iba pang mga anti-sosyal na gawaing kinakanlong at pinuprotektahan ng militar at pulis.

Samantala, tiyak na tuloy pa rin ang ligaya ng sabwatang Duterte at mga imperyalistang kapangyarihang US at Tsina. Kritikal na makuha niya ang suporta ng mga ito laluna't nalalapit na ang eleksyon. Habang pinalalabas na may ginagawa siya sa usapin ng ribalan sa West Philippine Sea at iba pang soberanong teritoryo ng bansa, traydor niyang pinapayapa ang loob ng kanyang mga amo sa pamamagitan ng paglubos ng mga garantiya para sa kanilang tuluy-tuloy na panghihimasok at pandarambong sa bansa.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Catandunganon at mamamayang Bikolanong manindigan laban sa pagtatayo ng pahirap at walang kabuluhang baseng nabal sa prubinsya. Gaya ng karanasan ng rehiyon sa pagpapahinto ng Balikatan Exercises noong 2008, marapat lamang na mabuo ang malawak at malakas na kilusang tututol at pipigil sa naturang plano at iba pang pasistang hakbangin sa prubinsya at rehiyon.


This free site is ad-supported. Learn more