Rebolusyonaryong hustisya ang iginawad ng mga Pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command (JRC-Masbate) nitong July 10, 5:30 ng umaga sa Sitio Balunos, Brgy. Rizal, Dimasalang. Apat ang napatay at 17 ang nasugatan sa hanay ng mersenaryong hukbo sa ambus na isinagawa ng JRC.
Ang 24 na elemento ng dagdag pwersa na ipinadala ng 9th ID sa isla ng prubinsya ay karagdagang pwersa ng panunupil at pandarahas ng RTF-ELCAC laban sa mamamayang Masbatenyo. Nitong mga nagdaang buwan, buong bangis na nanghalihaw ang tinatayang aabot sa 1000 elementong pinagsanib na pwersa ng pulis at militar sa mga bayan ng prubinsya. Nagresulta ang kanilang nag-uulol na focused military operations at Retooled Community Support Program sa malawakang paglabag sa karapatang sibil, paninindak, iligal na pang-aaresto at pagdiditene, sapilitang pagpapasurender, ektrahudisyal na pamamaslang at serye ng mga masaker.
Sa gitna ng brutal na pagkakait ng batayang demokratikong karapatan ng mga Masbatenyo ng rehimeng US-Duterte at kanyang mga alipures sa prubinsya, higit na nagpupunyagi ang mga Masbatenyo, sa kanilang natatanging armas at kalasag sa pagtatanggol ng kanilang soberanong karapatan—ang armadong pakikibaka. Kabuklod nila ang buong bansa sa buong tatag na pagharap, paglantad at pagbigo sa pinasidhing kampanyang psywar ng NTF-ELCAC upang ikubli ang mga karumal-dumal na krimen ng berdugong whole-of-the-nation-approach (WONA) ng pasistang teroristang reaksyunaryong estado.
No comments:
Post a Comment