Lulong sa mga pekeng tagumpay ang 9th IDPA! Dahil aminado sa malinaw na pagkabigong padapain ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan, walang ibang inatupag ang mga yunit-militar sa ilalim nito kung hindi magpakalat ng mga kasinungalingan. Ilinilinaw ng Romulo Jallores Command (RJC-BHB Bikol) sa lahat ng masang Bikolano, laluna sa mga kagawad ng midya, na walang engkwentrong naganap sa pagitan ng Eduardo Olbarra Command (EOC-BHB Camarines Sur) at mga elemento ng 83rd IBPA nitong Hulyo 20, 2021. Walang napaslang na Pulang mandirigma at pawang mga armas lang din ng AFP-PNP-CAFGU ang ipinaradang 12 matataas na kalibre ng baril na diumano'y nasamsam sa labanan.

Ayon din sa ulat ng Jose Rapsing Command (JRC-BHB Masbate), hindi kailanman napasabak sa anumang depensibong labanan ang anumang yunit ng Pulang hukbo sa Masbate ngayong taon. Sa gayon, pawang mga orkestradong labanan ang tatlong engkwentrong ipinagyabang ng AFP-PNP-CAFGU sa Masbate mula Enero hanggang kasalukuyan. At pekeng tagumpay ang pagkasamsam ng mahigit 20 armas na diumano'y nakuha mula sa mga ito.

Ngunit hindi simpleng kasinungalingan ang katumbas ng kahambugan ng AFP-PNP-CAFGU. Sa bawat pekeng labanan, mayroong sibilyan, sarili nilang kabaro o ahenteng pinapaslang upang iparadang NPA. Noong Hunyo 8, minasaker ng 2nd IBPA sina Ramon Brioso, 58 taong gulang, Ailyn Bulalacao Gracio, 38 taong gulang at Antonio Poligrates, 50 taong gulang sa Brgy. Anas, Masbate City. Chief tanod si Poligrates habang chief cowboy naman si Brioso. Residente sila ng magkakaibang bayan ngunit magkakasabay na dinukot at pinaslang sa Masbate City. Ipinakalat ng 2nd IBPA ang litrato ng kanilang mga bangkay at pinaratangang mga NPA. Ganito rin ang modus operandi sa mga kaso ng pamamaslang ngayong taon gaya ng nangyari kay Gerardo Abla ng Siruma na dinala pa sa Caramoan at doon pinalabas na namatay sa isang engkwentro at sa pagpaslang sa mag-asawang Marca sa Camarines Norte.

Dalawang pulis at isang police informant naman ang napaslang sa pekeng engkwentro sa Brgy. Payak, Bato, Camarines Sur noong Hulyo 16, 2019. Mismong mga elemento ng 83rd IBPA ang nakasagupa nila. Wala ring pagtatangi ang AFP-PNP-CAFGU sa mga sapilitan nilang pinapasuko bilang NPA – matatanda, senior citizen, bata, kabataan, kababaihan. Lahat na lang ng sibilyang biktima ng kanilang pang-aabuso ay NPA.

Ang tanging tunay na nakikinabang sa mga pekeng tagumpay ng AFP-PNP-CAFGU ay ang kanilang mga upisyal. Ipapahamak nila ang lahat para sa mga medalya, matataas na sweldo at ranggo. Lolokohin nila ang kanilang mga elemento. Isasabak nila ang mga ito sa walang katuturan at madugong digma. Isusubo nila ang mga ito upang patayin ang kanilang kapwa inaapi't pinagsasamantalahan. Hindi kataka-takang sa kabila ng mga dinedeklara nilang tagumpay, mismong mga elemento nila ang pumipigil sa masang anakpawis na pumaloob sa E-CLIP. Mismong mga elemento nila ang umaalis o di kaya'y natutulak na magpakalulong sa droga dahil hindi na nila masikmura ang kabulukan ng institusyong pinasok nila.

Higit na pinagsisiklab ng desperadong saywar at pekeng balita ng AFP-PNP-CAFGU ang morale ng mga Pulang mandirigma. Ang walang puknat na pagpapalabas ng mga pekeng labanan, pekeng pagpapasuko at iba pang pekeng tagumpay ng kaaway ay pagpapatunay sa pagkakandaugaga ng rehimeng US-Duterte na palabasing tagumpay ang bigong kampanyang kontra-insurhensya bago matapos ang termino nito. Sa pagpapakita ng sinseridad na pagsilbihan at ipagtanggol ang masang anakpawis, higit na lumilitaw ang pampulitikang superyoridad ng NPA.

Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa lahat ng masang Bikolanong manatiling matatag sa kabila ng mga tangka ng rehimeng US-Duterte na pahinain ang kanilang rebolusyonaryong diwa. Ibayong ilantad ang marumi at desperadong saywar ng mga alagad ng pasistang rehimen.

Pinakamahalaga sa lahat, suportahan ang Pulang hukbo at tuwirang lumahok sa makatarungan at makatwirang digma ng mamamayan. Handa ang BHB na tanggapin kahit ang mga elemento ng kaaway na naliliwanagan, nais na tunay na magsilbi sa mamamayan at handang magpanibagong-hubog. Sa makatarungan at makatwirang digma, hindi kinakailangang magpakalulong at lokohin ang sarili sa mga pekeng tagumpay. Ang makauring tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ay tiyak at hindi kailanman mapipigilan.


This free site is ad-supported. Learn more