LUNGSOD NG MAYNILA, Hulyo 4 -- Muling hinikayat ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), driver, at konduktor na sumali sa mga proyekto at programang alok ng Kagawaran upang magkaroon ng kabuhayan sa kabila ng pandemya.

Ayon kay Sec. Tugade, maraming proyekto ang DOTr na kung saan pwedeng magtrabaho ang mga OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Binigyang-diin ng Kalihim ang benepisyo ng pagtatrabaho sa mga proyekto ng pamahalaan gaya ng hindi na pagalis ng bansa para kumita.

"Samantalahin 'ho ninyo ang oportunidad na hatid ng pamahalaan. Prayoridad po namin ang mga OFW at ibang transport stakeholder na mabigyan ng trabaho sa mga proyektong pang-imprastraktura ng Kagawaran. Malaking tulong 'ho ito sapagkat hindi n'yo na kailangan pang iwan ang inyong pamilya at mahal sa buhay para lamang kumita ng disente sa ibang bansa," ayon kay Sec. Tugade.

"Ang DOTr ay hindi lamang pang-imprastraktura. Ito ay tumutulong din upang makapagbigay ng trabaho sa ating mga kababayan. Kapag may proyekto, may katumbas na pangangailangang pang-empleyo. Ang alok ng proyekto, trabaho para sa mga Pilipino," dagdag ni Tugade.Una nang hinimok ng Kalihim ang mga OFWs na nawalan ng trabaho sa ibang bansa na gamitin ang oportunidad na makapag-trabaho sa mga proyekto na nasa ilalim ng programang "Build, Build, Build" ng administrasyong Duterte.

Matatandaan na sa kanyang inspeksyon sa Valenzuela at Bulacan segments ng PNR Clark Phase 1 Project noong ika-26 ng Mayo 2021, ibinahagi ni Sec. Tugade na nasa 200 na ang mga dating OFWs na nagtratrabaho na ngayon sa PNR Clark Phase 1 project.Karagdagang 2,000 trabaho din ang naghihintay sa mga kwalipikadong OFWs oras na maging operational na ang PNR Clark Phase 1 project.

Samantala, sa kanyang pakikipagusap sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs) sa Cavite noong ika-2 ng Hulyo 2021, inanyayahan ni Sec. Tugade ang mga drivers at operators na sumali sa Tsuper Iskolar ng DOTr at TESDA upang magkaroon sila ng dagdag kaalaman na magagamit sa paghahanap-buhay sa gitna ng pandemya. Ang Tsuper Iskolar Program ay isang programa ng DOTr at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at sa Office of the Transportation Cooperatives (OTC). Sa ilalim ng programa, ang mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan at ang kanilang mga pamilya ay mabibigyan ng libreng skills training at kaalaman sa pagnenegosyo. (DOTr)


This free site is ad-supported. Learn more