BY ELG

Panginoon,
salamat sa araw na ito,
sa katahimikan na nagpapalalim
sa mapagmahal na  pagtitinginan
habang tayo'y nagkukwentuhan.

Damang-dama ang misteryo
ng Iyong pagmamahal.
Umaalab lalo sa bawat dampi
sa pusong binubuhay at pinatitibok
ng Iyong pag- ibig.

Salamat sa pagmamahal Mo
na nagpapanatag sa pusong
nangungulila sa Sinisinta.
Nawa'y maialay ko balik sa Iyo
na buong-buo at totoong-totoo.

Salamat sa pagmamahal Mo
na walang sukatan.
Pagmamahal na walang pinili,
lumaban at sinupil
kahit  kamatayan.
Pagmamahal na bumili
at nagbayad sa aking
mga kasalanan.

Mahalin ko sana ang lahat
na walang pamantayan,
kagaya sa pagmamahal Mo
na magpakailanman.
Kahit sa mga yumuyurak sa Iyo,
mga puso na natabunan
ng makamundong damdamin,
sa mga makamundong pananaw at gawain,
na nagpapalayo sa amin sa Iyo –
na hindi nagsasawang nagaabang
sa aming pagbabalik na ang dulot
ay walang katumbas na kagalakan.

Harinawa ay maibabahagi ko
ang mapagkumbaba Mong Puso
at walang-hanggang pagmamahal
kahit sa mga mahihirap mahalin…
kagaya ko.

Magagawa ko lang ito
kung pupunuin Mo ako
palagi sa mga grasya Mo.
Kabanal-banalang Puso ni Hesus
basbasan Mo ang panalanging ito.
Amen. 

------------------------------------------------------------------
Inspired by the poem?
It's now your turn!
Message us and share your journal stories.


This free site is ad-supported. Learn more