GMA NEWS

Naghain sina dating Quezon City mayor Herbert Bautista at dating Makati representative Monsour del Rosario ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) para kumandidatong senador sa Eleksyon 2022.

Kabilang sina Herbert at Monsour sa mga senatorial aspirant na ikinukonsidera sa tiket ng tambalan nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III, na tatakbong presidente at bise presidente.

Tulad ni Tito, mula rin sa showbiz industry sina Herbert at Monsour.

Miyembro si Herbert ng Nationalist People's Coalition (NPC), na pinamumunuan ni Tito, habang si Monsour at kaanib naman ng Demokratikong Reporma Party (Reporma) na si Ping ang pinuno.

"Ito po ang kauna-unahang journey ko sa larangan ng public service [sa national position] after more than three decades of serving the people of Quezon City," ayon kay Herbert.

"Maraming salamat po at naging bahagi kayo ng buhay ko. Marami po akong natutunan sa inyo at sana po ay tulungan ninyo po ako sa panibagong yugto ng aking buhay upang makatulong naman tayo sa nakakarami, hindi lamang sa Quezon City, kundi sa buong bansa," patuloy niya.

Samantala, ibinida naman ni Monsour ang karanasan niya bilang mambabatas sa Kamara de Representantes, at pagiging konsehal ng Makati.

"I think this will be very beneficial for us and for me in the Senate in case we make it, and with my kind of dedication and how I serve the country will be a very big asset," ayon kay Monsour.

Una rito, sinabi nina Ping at Tito na 14 ang pangalan na pinagpipilian nilang makakasama sa 12 senatorial slate.

Isasapinal daw nila ang listahan kapag natapos na ang filing ng COC ngayong linggo.

Kabilang din sa mga nagsumite ng COC ngayong Miyerkules para tumakbong senador sa Eleksyon 2022 sina:

  • Mark Villar
  • Miguel "Migz" Zubiri
  • Leo Olarte
  • Ponciano Leyte, Jr.
  • Ma. Dominga Cecilia Padilla
  • Paolo Capino
  • Nelson Ancajas
  • Melissa Fortes
  • Carmen Zubiaga
  • Joel Villanueva
  • Elmer Labog
  • Panfilo "Jun" Dabandan, Jr.
  • Renecio Espiritu, Jr.
  • Sixto Lagare
  • Adz Nikabulin
  • Roy Cabonegro

--FRJ, GMA News