LUNGSOD QUEZON (PIA)—Umabot na sa mahigit 23 milyon o 30.06% ang fully vaccinated o kumpleto ang doses ng bakuna laban sa COVID-19, ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque Jr. sa kanyang virtual press briefing kahapon, Oktubre 11.

Ayon kay Roque, mahigit 7 milyon o 77.53% ng 23 milyong fully vaccinated individuals ay mula sa National Capital Region (NCR).

Inanunsyo rin ni Roque na magsisimula na sa Oktubre 15 ang pagbabakuna sa mga batang may co-morbidities edad 12 hanggang 17 sa NCR bunsod ng steady supply ng bakuna.

Ayon pa kay Roque, sisimulan na rin ang pagbabakuna sa general population alinsunod sa utos ni Pangulong Duterte na nakasaad sa IATF Resolution 141.

Samantala, sa mga fully vaccinated na Pilipinong nagbabalak pumunta sa America, tatanggapin simula Nobyembre ang mga bakunang aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) at World Health Organization Emergency Used Listing (WHO-EUL). Ang mga bakunang ito ay Pfizer, Moderna, J&J Janssen, AstraZeneca, COVISHIELD, Sinopharm at Sinovac.

Kinikilala naman sa Europa ang mga bakunang Pfizer, AstraZeneca na may iba't ibang brand gaya ng Vaxzervria, SK Bioscience, at COVISHIELD, J&J Janssen, Moderna, Sinopharm at Sinovac.

Naglabas naman ang IATF ng bagong quarantine protocols ukol sa mga fully vaccinated, partially vaccinated at non-vaccinated individual na darating sa Pilipinas mula sa mga bansang kabilang sa "green and yellow" list.

Base sa IATF Resolution No. 142, kailangang sumailalim sa facility-based quarantine ang mga fully vaccinated individual hanggang sa paglabas ng kanilang negative RT-PCR. Sila ay kukuhanan ng RT-PCR sa ika-limang araw ng kanilang quarantine. Matapos na sila ay pauwiin, ipagpapatuloy nila ang sampung araw (10) na quarantine sa kanilang mga bahay.   

Ang mga partially vaccinated o non-vaccinated individual naman ay sasailalim sa facility-based quarantine hanggang sa paglabas ng kanilang negative swab test na kinuha sa pang-pitong araw ng kanilang quarantine. Matapos sila ay pauwiin, ipagpapatuloy nila ang 14-day quarantine sa kanilang mga bahay.

Ang mga fully vaccinated na dayuhang papasok sa bansa ay kailangan ding may pre-booked accommodation ng anim (6) na araw at walong (8) araw naman para sa partially vaccinated or unvaccinated foreign nationals. (MBP/PIA-IDPD)


This free site is ad-supported. Learn more