Bagong insidente na naman ng walang-habas na pambobomba ang isinagawa ng teroristang Philippine Airforce-Philippine Army sa sa Purok 16 Damugnay, Los Angeles, Butuan City. Ginawa ang pambobomba sa hinalang nagkakampo dito ang Bagong Hukbong Bayan-Agusan del Norte. Naganap ang insidente noong Nobyembre 3 bandang 1:40 ng hapon.

Tumagal ng halos kalahating oras ang pambobomba gamit ang dalawang bagong attack helicopter ng Philippine Airforce na Sikorsky UH-60 Black Hawk. Pinakawalan nito ang apat na rocket at walang patumanggang nang-istraping gamit ang 50 Gatling machine gun. Nagresulta ang pambobomba sa pagkamatay ng isang sibilyan, pagkasugat ng mga magsasakang nagsitakbuhan mula sa pinagtatrabahuang bukid, pagkagulantang ng mga residente na naninirahan sa sityo at katabing baryo, at pagbabawal sa mga tao na pumunta sa kanilang mga sakahan.

Nakilala ang mga namatay na si Remy Darasin, 48-taong gulang, may asawa. Ayon sa kanyang asawa, labis ang kanyang pag-aalala nang hindi nakauwi ang kanyang mister noong gabi ng Nobyembre 3, 2021. Kinabukasan, Nobyembre 4, natagpuan ang bangkay nito na nagpalutang-lutang sa Agay River (malapit sa pinangyarihan).

Malaking gambala rin ang idinulot ng operasyong militar sa buhay at kabuhayan ng mga residente. Pinagbabawalan silang pumunta sa kanilang mga sakahan na nagresulta sa labis na kagutuman ng kanilang mga pamilya.

Ayon sa pahayag ni Brigadier General Romero Brawner, Jr., hepe ng 4th ID, ang pambobombang ginawa nila ay bahagi raw ng kanilang "test mission" sa bagong biling Black Hawk. Nahihiya silang aminin na walang BHB sa lugar kung kaya nagpalabas na lamang sila ng gawa-gawang dahilan para gawing balido ang kanilang walang-habas na pambobomba. Kaya malaking kasinungalingan ang sinabi nilang "test mission". Sa katunayan, patuloy pa rin ang pinagsamang operasyong militar ng 65th IB, Special Action Force, Special Action Company at Special Action Battalion sa paggalugad sa lugar ng pinangyarihan.

Noon pa ma'y bantog na ang AFP at rehimeng US-Duterte sa magudong rekord nito sa paglabag sa karapatang-tao. Kinatanginan na nito ang pagiging marahas tungo sa mamamayan dahil ang kanilang pinagsisilbihang interes ay sa mga imperyalista, malaking burgesya-kumprador at malaking panginoong maylupa. Malinaw na wala itong pinipiling target sa kanilang pambobomba kahit pa sa mga sibilyang komunidad. Malaking paglabag ito sa internasyunal na batas sa digma—ang idamay ang mga sibilyan sa mga labanan.

Sa kabilang banda, isa pang magastos at bulagsak na pambobomba ang kanilang inilunsad sa kabila ng nagpapatuloy na pagharap ng bansa sa krisis ng pamdemyang COVID-19. Walang kahihiyan na ginamit nito ang pera ng bayan para patayin ang walang-laban at inosenteng sibilyan.

Sa huli, ang desperadong hakbang na ito ng AFP at rehimeng US-Duerte para durugin ang rebolusyonaryong kilusan ay patunay na makatarungan ang nilulusad ng BHB na demokratikong rebolusyong bayan. Sa ilalim ng kasalukuyang reaksyunaryong gubyerno, walang lugar para sa tunay na hustisya, kapayapaan at kalayaan. Nililikha lamang ng karahasan ng estado ang mas matabang lupa para sa digmang bayan.

Kundenahin ang walang-habas na pambobomba ng PAF-PA!
Hustisya para sa mga biktima ng walang-habas na pambobomba!
Itigil ang militarisasyon sa kabundukan!
Bigas hindi bala!


This free site is ad-supported. Learn more