Noon pa man, wala nang tunay na oposisyon at demokrasya sa mga halalan ng bansa. Ngunit sa ilalim ng gahaman at desperadong pangkating Duterte, lantaran nang pinupunit ang lahat ng bahid ng katinuan at katwiran at naging sukdulan ang pagiging kalokohan ng eleksyon. Hindi na nabigla ang mamamayan na kuntodo ang tirano at kanyang mga alagad sa pagbalasubas sa batas – mula sa pagpapatakbo sa mga pipitsuging kandidatong daig pa ang mga artista sa pag-arte, walang humpay na balasahan, paggamit ng pwersang militar at pulis upang lutuin ang resulta hanggang sa tigas-mukhang pagtakbo na mismo ni Duterte.

Sinuman ang manaig sa hungkag na pambansang halalan, walang maaasahang tumindig para sa kapakanan ng masa. Mayorya sa mga kakandidatong pangulo at bise-presidente ay tahasang nagtataguyod sa tiraniya ni Duterte. Ang ilan namang nagpoposturang oposisyon ay hindi rin naman tumitindig para sa demokratikong kahingian ng masang anakpawis tulad ng pagwakas sa kontraktwalisasyon at pagsulong ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. Sino sa kanila ang kumontra sa mga neoliberal at kontra-mahirap na patakarang gumutom at pumatay sa masa? Sino sa kanila ang nangahas na tumuligsa sa terorismo ng estado at aktibong lumahok sa laban ng mga Bikolano at sambayanan para tuldukan ang madugong gera kontramamamayan? Sino sa kanila ang may kongkretong ginawa laban sa pagpapakatuta ng pangkating Duterte sa Tsina, US at iba pang mga dayuhang bansa?

Habang lalong sumasahol ang reaksyunaryong pulitika, lalo ring nagiging malinaw para sa sambayanang Pilipino na ang tanging tunay na oposisyon ay ang rebolusyon. Ang katangi-tanging organisasyong may kakayahang pamunuan ang mamamayan tungo sa tunay at makabuluhang pagbabago ay ang CPP-NPA-NDF. Hindi maikakaila ninuman na simula't sapul, anumang tindi ng pang-aatake, paninira at mga unos ng pagsubok na dumaan, na tanging ang rebolusyonaryong kilusang mula at para sa masa ang hindi natinag na pwersang nagdala sa boses at interes ng nakararami. Sa bawat hakbang ng kanilang laban para sa lupa, trabaho, panirahan, karapatan at katarungang panlipunan, lagi't laging nasa panig ng mamamayan ang kanilag tunay na Partido.

Hinihikayat ng NDF-Bikol ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan na sumapi sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan. Hindi maaasahang kusang humupa ang krisis ng kasalukuyang sistema. Habang lalong nagiging imposible para sa naghaharing-uri na makapangibabaw sa dating mga paraan, asahan ang higit pang pagdausdos ng kalagayang pampulitika, pagkahubad ng mga palamuti ng burgis-demokrasya at pagsahol ng kalagayan ng mamamayan. Ang tanging paraan para magkaroon ng tunay na lider ang mamamayang Pilipino ay ang kilalanin nito ang kanyang makauring lakas at pamunuan ang sarili hanggang sa tagumpay ng makatwirang digma ng sambayanan.


This free site is ad-supported. Learn more