Pabigat sa bayan ang siyam na linggong sunud-sunod na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo. Kung pagbabatayan ang pagtataas nito mula Enero, umaabot na sa P20 ang netong itinaas sa presyo ng kada litro ng gasolina pa lamang. Dapat igiit ng taumbayan ang pagtatanggal sa excise tax o dagdag na buwis sa langis para kagyat na ibsan ang pasanin ng taumbayan hanggang sa pagbabasura ng Oil Deregulation Law .
Sa huling linggo ng Oktubre, tumaas pa ng $85 kada bariles ang presyo ng krudong langis sa internasyunal na pamilihan. Binunsod ito ng pagtanggi ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), Russia at mga alyado nito na itaas ang produksyon ng krudong langis habang papalaki ang demand ng China at Europe sa langis. Sinasamantala ito ng mga kumpanya ng langis sa Pilipinas para magpataw ng mas mataas na presyo ng produktong petrolyo. Sikreto ang kwentada sa pagtatakda ng presyo at ang imbentaryo ng hawak nilang langis.
Ibayong magdurusa ang mamamayan dahil tiyak na tataas ang mga presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin sa darating na mga buwan. Kinakailangan ang langis sa pagpapatakbo ng mga makina sa pagawaan at sa pagsasaka hanggang sa mga sasakyang na nagdedeliber ng mga produkto tungo sa mga pamilihan. Bukod dito, mas matindi ang tama nito sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan pati ang mga mangingisda ay dumadaing din sa pagtaas ng presyo ng langis.
Sa harap nito, nagmamatigas pa ang gubyernong Duterte na ipagpatuloy ang excise tax sa langis at kinukunsinte ang mga kumpanya ng langis sa walang-habas na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo. Palusot ng Department of Finance (DOF), malulugi ang Pilipinas ng hanggang P130 bilyon oras na tanggalin ang excise tax. Isinasangkalan pa ng mga buhong na burukrata na maaantala ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan dahil diumano ginagamit ang buwis sa langis sa pagtugon sa pandemya.
Taliwas sa ipinangangalandakan ng gubyernong Duterte na para sa mamamayan ang mga sinisingil na buwis, dagdag pasakit sa kanila ang mga buwis na ito. Pumatong sa pasanin ng mamamayan ang mga bayarin sa naunang ipinasang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law at 12% na value added tax bago ang pandemya. Nitong Mayo, nadagdagan ng P10 buwis ang gasolina sa gitna ng malawakang disempleyo at lumalalang kahirapan sa bansa. Kasinungalingan na ito'y para sa ayuda dahil hanggang sa kasalukuyan, kinakalampag ng sambayanan ang rehimen sa kawalan at kakulangan ng ayuda at serbisyong pangkalusugan. Nalantad pang kinurakot ng administrasyon ang pondo at dinispalko para sa kontra-rebolusyonaryong gera at pambubusog sa mga alaga nitong militar at pulis.
Imbes na tugunan ang daing ng mamamayan na pigilan ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, abala sa pulitika ang kalihim ng Department of Energy (DOE) na si Alfonso Cusi. Pinamumunuan ni Cusi ang isang paksyon ng PDP-Laban na lalahok sa darating na pambansang eleksyon 2022. Lalong kasuklam-suklam na sa gitna ng krisis at palyadong pamamahala, tinitiyak pa ng pangkating Duterte na mailuklok ang tirano at mga kasapakat nito sa poder.
Sa harap ng kainutilan at pagtetengang kawali ng gubyernong Duterte, dapat padagundungin ng mamamayang Pilipino ang kanilang panawagan para tanggalin ang mga dagdag na buwis. Dapat ding patuloy na singilin ang rehimeng Duterte sa pagnakakaw sa buwis ng mamamayan na nagbunsod ng palyadong tugon sa pandemya at nagdarahop na kalagayan.
Dapat bigkisin ang malawak na sambayanan para ibasura ang mga mapaniil na batas gaya ng TRAIN Law at Oil Deregulation Law. Hinihimok ng NDFP-ST ang mga tapat na lingkod-bayan na makipagkaisa sa mamamayan para ibasura ang mga nabanggit na batas at iba pang neoliberal na patakaran sa lehislatura. Hinihikayat silang gumawa ng resolusyon na nagpapataw sa mga kumpanya ng langis na isapubliko ang proseso ng pagpepresyo at iba pang kaugnay na impormasyon.
Marapat na ipagpatuloy ang pambansa demokratikong rebolusyon upang ganap na makalaya sa kontrol ng mga imperyalista na nagmomonopolyo sa mga mahalagang rekurso tulad ng langis. Sa pagtatagumpay ng rebolusyon, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan na hindi ito magiging sunud-sunuran sa dikta ng mga kapitalistang ganid sa tubo at nagpapasasa sa paghihirap ng mamamayan. Ang mga susing industriya tulad ng langis ay mapapasakamay ng sambayanan upang matiyak na magsisilbi ito sa pangangailangan ng lipunan, at hindi ng iilan.###
No comments:
Post a Comment