Maalab na rebolusyonaryong pagbati ang ipinapaabot ng Kabataang Makabayan-Ilocos sa lahat ng mga balangay, kadre, at mga kasapi ng KM sa rehiyon at sa buong bansa sa pagdiriwang nito ngayon ng ika-57 taong anibersaryong pagkakatatag kaalinsabay ng ika-158 taong kapanganakan ni Ka Andres Bonifacio. Sa kabila ng pambihirang kalagayan at matinding pasistang atake, mataas ang moral at resolbado ang KM Ilocos sa pagsusulong ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon hanggang sa ganap nitong tagumpay at kasunod nitong sosyalistang rebolusyon.

Pinakamataas na parangal at pulang saludo naman ang iginagawad ng KM-Ilocos sa mga pinakamahuhusay na mga anak ng bayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa rebolusyon. Pinagpupugayan namin sina Ma. Finela "Ka Riki" Mejia, Pamela "Ka Maymay" Peralta, Ernesto "Ka Ashley" Lucaben, Jr. at maraming iba pang mga kabataan na nag-alay ng kanilang talino, galing, panahon, at buhay bilang mga Pulang mandirigma ng NPA para sa pagsusulong ng armadong rebolusyon.

Pulang saludo rin ang iginagawad ng KM-Ilocos kay Kasamang Jorge "Ka Oris" Madlos na pinaslang ng mga duwag na pasistang kaaway. Ang kanyang pagkamatay, katulad ng marami pang mga martir ng kabataan, ay dugong dumidilig at nagpapayabong pa nga sa rebolusyonaryong mithiin ng mga kabataan na ipagtagumpay ang digmang bayan.

Masahol na Kalagayan ng mga Kabataan sa Ilalim ng Rehimeng US-Duterte

Masahol ang dinaranas ng mga kabataan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte sa loob ng halos 6 na taon. Pinagkait ni Duterte sa mga kabataan ang karapatan sa edukasyon, lupa, at trabaho. Ibayong itinulak ni Duterte ang neoliberalismo sa edukasyon. Inatake nito ang mga pang-akademikong kalayaan ng mga paaralan. Binusog lamang nito ang bulsa ng mga kapitalista-edukador habang inilulugmok ang mga pampublikong paaralan at unibersidad na sana'y tatanggap sa malawak na mga kabataang maralita lalo na ng mga kabataang magsasaka.

Sa halip na pondohan ang ligtas na pagbabalik eskwelahan ng mga kabataan, kapritso ng mga heneral at mga aso nito sa NTF-ELCAC ang binusog ni Duterte. Ang NTF-ELCAC ni Duterte ang pangunahing salarin sa mga walang humpay na atake sa mamamayan ,lalo na sa mga kabataan, sa kanayunan man o kalunsuran. Sa ilalim ni Duterte, ibayong tumindi ang militarisasyon ng kanayunan na siyang dahilan ng mga malawakang paglabag sa karapatang pantao lalong lalo na sa mga kabataan dahil na rin sa kahibangan nitong wakasan umano ang rebolusyonaryong kilusan.

Magpunyagi sa Pakikibaka, Magpunyagi sa Rebolusyon!

Istorikal at mapagpasya ang papel ng kabataan sa pagbabagong panlipunan. Simula pa noong panahon ng Rebolusyong 1896 sa pangunguna ni Ka Andres Bonifacio at KKK, hanggang sa Sigwa ng Unang Kwarto sa panahon ng Batas Militar at EDSA Uno at Dos, pinatunayan ng kasaysayan na ang mga pinakamahuhusay sa mga kabataan ay iluluwal ng mga makauring pakikibaka at paglaban para sa pagbabago.

Ang aral ng laksang paghungos ng mga kabataan mula kalunsuran patungong kanayunan upang mag-NPA at labanan ang diktaduryang Marcos hanggang sa pagbagsak nito ay muli't muling paalala na hindi kailanman magtatagumpay ang dilim at lagi't laging mananaig ang liwanag.

Sa harapan ng banta ng pagbabalik ng isa na namang Marcos sa poder, nakatitiyak tayo na sisibol mula sa hanay ng mga kabataan ng Ilocos at ng buong bansa ang mga katulad nila Ka Oris, Ka Riki, Ka Maymay, Ka Ashley, at marami pang mga martir ng kabataan na magpupunyagi upang ipagtagumpay at kamtin ang isang lipunang makatarungan at tunay na malaya.

Makaaasa ang mamamayan ng Ilocos at ang buong sambayanang Pilipino na patuloy na magpupunyagi ang mga kabataan sa pagrerebolusyon at titiyaking wawakasan ang pasistang rehimeng US-Duterte at hahadlangan ang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.

Mabuhay ang Ika-57 Anibersaryo ng KM!

Isulong ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!

Kabataang Makabayan, Lumalaban!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!


This free site is ad-supported. Learn more