Opisyal na pahayag ng Komiteng Probinsya ng Cagayan sa ika-53 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas
Ipinapaabot ng Komiteng Probinsya ng Cagayan ang taas-kamaong pagbati sa lahat ng kadre at kasapi ng PKP sa lalawigan, sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Henry Abraham Command at Danilo Ben Command, sa lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa at sa lahat ng mga nagsusulong ng pambansang kalayaan at demokrasya sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Sa okasyong ito, pinakamataas na pagpupugay at parangal ang iginagawad sa lahat ng mga martir at bayani ng rebolusyong Pilipino na nag-alay ng buhay upang itaguyod at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Nakatanghal ang mga sandata ng BHB-Cagayan upang pagpugayan ang pitong martir ng Dungeg na nasawi sa walang-patumanggang airstrike ng pasistang 501st IBde noong September 21. Inaalala sina Leo "Ka Mio" Lucas, kadre ng Komiteng Probinsya ng Cagayan at matapang na kumander ng Henry Abraham Command kasama sina Carmelita "Ka Jodel" Sibayan, Clinton "Ka Armas" Agbulig, Geian Carlo "Ka Marlon" Espina, Michael "Ka Mareg" Edillo, Jaynard "Ka Jade" dela Cruz at Jerald "Ka Harold" Balmonte. Sinasaluduhan din sina Renato "Ka Andong" Busania at Rosalino "Ka Yuni" Canlubas, magiting na kumander ng Fortunato Camus Command – NPA Cagayan Valley na nagsakripisyo ng kanilang buhay hanggang sa huling hininga. Kung hindi dahil sa kanilang mga pagsisikap at sigasig sa paglulunsad ng armadong pakikibaka, hindi mararating ang ganitong yugto ng pagsulong sa probinsya at sa buong rehiyon.
Sa kabila ng walang-puknat na combat operations lalo na West Cagayan at okupasyon sa mga barangay hall at eskwelahan ng mga tropa ng AFP sa ilalim ng 501st IBde PA, bigo ito sa paghadlang at pagwasak sa rebolusyon sa buong probinsya. Bagkus, ibayo pa itong umabante at nagkamit ng mga tagumpay.
Sinalubong ng Partido ang 2021 sa pamamagitan ng pagpapatatag at pagpapataas ng pang-ideolohiyang kamulatan ng mga kadre ng mga namumunong komite. Inarmasan ng malalim na kaalaman at paggagap sa teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang mga kadre ng larangan at seksyon sa inilunsad na dalawang bats ng Abanteng Kurso ng Partido (AKP). Naisakatuparan ito sa gitna ng FMO ng kaaway sa kanilang December offensive noong nakaraang taon. Maging ang mga batayang yunit ng Partido sa lokalidad at sa hukbo ay tuluy-tuloy na nag-aral ng mga batayang prinsipyo ng MLM at kung paano ito ilalapat sa konkretong kalagayan ng lipunang Pilipino. Matagumpay na nakapaglunsad ng ilang bats ng Batayang Kurso ng Partido (BKP) sa laylayan ng mga baryo na hindi naaamoy ng kaaway. Nagluwal ito ng mga bagong aktibista at kadre na katuwang sa pamumuno at pagsusulong ng mga rebolusyonaryong tungkulin.
Hindi rin binitawan ang kampanyang pasampa sa mga kabataang estudyante at mga magsasaka. Agad silang binigyan ng pagsasanay sa Batayang Kursong Pulitiko-Militar (BKPM) at isinama sa mga taktikal na opensiba. Serye ng operasyong isnayp at harrass sa mga detatsment at mga tropa ng RCSP ang naikasa ng mga larangan. Naparusahan din ang mga galamay ng MBLT10 at 17th IBPA.
Totoong nagkaroon ng ilang depensiba at pinsala ang ating hanay ngunit pansamantala lamang ang mga ito. Mahusay na nagamit ang konsentrasyon, dispersal at paglipat upang iwasan ang malalaking kubkob ng kaaway. Sa desperasyon nilang sukulin at durugin ang NPA sa Cagayan, minadaling itrinansporma ang 77th Cadre Battalion ng Cafgu Active Auxillary (CAA) tungong isang regular na maneuver battalion. Hinugot din ang 98th IBPA mula Isabela tungong Cagayan. Muli ring ibinalik ang 51st IB na notoryus bilang "peste first" na naghatid ng matinding takot at ligalig sa masa noong Martial Law ni Marcos. Sa kabilang panig, matinding kahihiyan naman sa kaaway ang pagbomba nito sa kanyang sariling tropa na nagresulta sa pagkamatay ng di bababa sa 40 noong September 28.
Patuloy rin ang pagsisikap ng masa na isulong ang kanilang mga demokratikong karapatan sa gitna ng militaristang lockdown. Sa probinsya, aktibong nakalahok ang mga magsasaka sa mga online forum at fact-finding mission hinggil sa mga biktima ng peke-pwersadong pagpapasurender. Tuluy-tuloy rin ang mga antas baryong pagkilos laban sa pangangamkam ng lupa. Nagbukas din ng mga komunal ang mga grupo ng magsasaka bilang pangunahing sandigan sa kawalang ayudang maaasahan sa panahon ng pandemya.
Sa kabila ng pasistang atake at panunupil, nagawa pa ring magpalakas at magpalawak ng Partido sa iba't-ibang antas. Matagumpay na nakapamuno at nakagabay ang mga Komiteng Larangan sa mga distritong kinikilusan. Lumaki rin ang kasapian ng Partido sa mga baryong saklaw at nakapabuo ng mga bago pang sangay.
Sa loob ng 53 taong pag-ugat sa masa, matayog na, nagkaroon na ng mga sanga, at namunga na ang rebolusyon sa buong Cayagan. Hindi na maaapula ang naglalagablab na pagbabalikwas ng mga Cagayano sa pamumuno ng PKP kasama ang BHB.
Sa 2022, asahang higit pang magpupunyagi at susulong ang kilusan kasabay ng pagbagsak ng pasistang rehimen. Dapat mas aktibo at sustinido ang paglulunsad ng tatlong-antas ng kurso ng Partido sa hukbo at sa masa. Mapagpasyang buuin at paganahin ang mga makinarya ng instruksyon sa lokalidad nang hindi lang iniaasa sa hukbo ang gawaing edukasyon. Dapat pursigidong mag-aral at magsuri ang lahat ng mga kasapi ng Partido batay sa materyalistang pananaw, proletaryong paninindigan at diyalektikong pamamaraan sa panahong umiigting ang saywar at disimpormasyon ng kaaway. Maksimisahin ang social media para sa pagpapalaganap ng Ang Bayan, Baringkuas at ibang Marxista-Leninista at pambansa-demokratikong babasahin upang maabot ang malawak na bilang ng mamamayan. Regular na maglunsad ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili nang maagap na maituwid ang mga kahinaan at pagkakamali. Tasahin at lagumin ang mga karanasan at gawain upang mahalawan ng aral ang bawat pagkilos at makapagtamo pa ng mas maunlad na antas ng teorya at praktika. Mapagpasyang harapin ang mga paglalagom sa mga kampanyang militar at kampanyang masa, kapwa yaong mga nagmateryalisa at hindi. Masusing pag-aralan ang mga bara sa paglulunsad ng mga ito.
Mapangahas na magrekluta ng libu-libong kasapi ng Partido nang may mahigpit na pagtangan sa mga kwalipikasyon. Magpaunlad ng daan-daang mga kadreng may kakayahang mamuno at tumangan ng iba't-ibang tungkulin sa iba't-ibang antas. Mabilis na magpanday ng mga second-liner na pleksible at handang gumampan ng mga responsibilidad. Isabuhay ang demokratikong sentralismo at kolektibong paggawa. Maging mapagmatyag sa mga tendensya ng burukratismo at ultrademokrasya na sisira sa muog na pagkakaisa ng organisasyon.
Matalinong pag-isipan ang mga bagong pamamaraan at praktika sa mabilis na pagpapasampa ng mga kabataang-estudyante at magsasaka. Aktibong pakilusin ang mga sangay ng partido sa lokalidad upang tuluy-tuloy na magtarget at magpasampa sa hukbo. Maging mapangahas at mapagpasya sa paglalawak ng base habang pinanghahawakan ang pagpapalalim at pagkokonsolida sa base. Pagkunutan ng noo kung paano sikretong maaabot ang matataong lugar at gilid ng haywey. Pagsikapang makapagbuo ng dagdag na mga platun na mag-aanak ng nagtatalikurang larangang gerilya. Buuin at armasan ang kumpa-kumpanyang milisyang bayan at mga yunit depensa sa baryo at aktibo silang palahukin sa mga taktikal na opensiba. Pasiglahin ang mga taktikal na opensiba batay sa aktwal na kakayahan. Piliin ang mga malalambot at nahihiwalay na target militar kaysa magpatali sa mga matitigas at malalakas na target na gugugol pa ng maraming rekisitos bago maikasa.
Samantalahin ang panahon ng eleksyon upang maabot ang mas malawak na masa at maigiit ang mga demokratikong karapatan sa lupa, trabaho, edukasyon at ayuda sa gitna ng pandemya. Sunggaban ang panahong ito upang ilunsad ang mga antipyudal, antipasista at anti-impertalistang pakikibakang masa. Ilantad ang eleksyon bilang maduming sugal at pag-aagawan ng kapangyarihan ng naghaharing-uri habang isinusulong ang armadong pakikibaka bilang pangunahing porma ng pakikibaka. Maging matatag sa pagpapatupad ng mga patakaran at alituntunin sa ilalim ng Demokratikong Gobyernong Bayan hinggil sa pakikitungo sa mga kandidatong tatakbo at mangangampanya sa mga base at sonang gerilya. Huwag mag-atubiling parusahan ang sinumang sagadsaring pulitiko na tahasang lalabag sa mga patakaran, magbabalak at aktwal na magkakanulo at magpapahamak sa mamamayan sa panahon ng eleksyon.
Hanggat nandyan ang pamalagiang krisis na inianak ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, laging mataba ang lupa para sa pagsulong ng digmang bayan. Sabik na sa tunay na pagbabagong panlipunan ang mga Cagayanong malaon nang naghihikahos. Maliwanag sa kanila na makakamit lamang ito sa ganap na pananagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.###
#DRBItandudoIballigi
#CPP53
No comments:
Post a Comment