Kaisa ng mamamayang Palaweño ang National Democratic Front-Palawan sa pagtuligsa sa overpricing na ipinatutupad ng mga kumpanya ng langis sa buong isla sa gitna ng tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo. Dobleng pasakit ang ipinapataw ng mga kumpanya ng langis laban sa mamamayang Palaweño na hindi pa man nakakabangon matapos ang pananalanta ng bagyong Odette ay sinasalanta naman ng pagsirit ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.
Mula pagpasok ng 2022 hanggang Pebrero 21, walong beses na tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa isla kung saan pumalo mula 41 tungong 61 sentimo ang presyo ng diesel na pumapatak ng P70/litro, habang 40-50 sentimo ang itinaas sa gasolina na pumapatak na ngayon ng P80/litro sa Puerto Princesa City. Masahol pa, mas mataas pa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga bayan at siyudad na malayo sa Puerto Princesa City. Pinaka-apektado ang mga magsasakang gumagamit ng mga makinarya sa pagsasaka at ang mga mangingisda para sa kanilang mga bangka.
Sa kabila ng ginawang paglalantad ng Department of Energy at ilang opisyal ng probinsya hinggil sa nakikita nilang overpricing ng P5-6 sa presyo ng produktong petrolyo sa isla ay tila nagtetengang-kawali ang mga kumpanya ng langis na magpatupad ng rollback. Sa halip, patuloy nilang iginigiit na ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ay dulot ng mababang suplay ng petrolyo sa pagdaigdigang merkado at ang nagaganap na tensyon sa Europa sa pagitan ng Russia at Ukraine. Samantala, inutil din ang sangguniang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Jose Chavez Alvarez (JCA) sa gitna ng isyung ito. Lalong ipinakikita ng sitwasyon ang kawalang-pagmamalasakit ni JCA sa kapakanan at interes ng mamamayang Palaweño. Habang naghihikahos ang mamamayan, abalang-abala si JCA sa mga publikong aktibidad bilang paghahanda sa nalalapit na eleksyon sa Mayo kung saan siya tumatakbo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng lalawigan.
Nananawagan ang NDF-Palawan sa lokal na gubyerno ng Palawan na umaksyon kaugnay sa usaping ito upang maibsan ang mabibigat na pasanin ng mamamayang Palaweño sa pagsirit ng presyo ng petrolyo at mga bilihin sa gitna ng pandemya at pagrekober sa pinsalang dulot ng bagyong Odette. Pero higit pa rito, dapat magbuklod ang mamamayang Palaweño at igiit ang rollback sa presyo ng produktong petrolyo habang patuloy na kinakalampag ang lokal na gubyerno para sa ayuda upang mabilis na makarekober ang buong isla sa pinsala ng bagyong Odette.###
No comments:
Post a Comment