Bilang foreign na asawa ng isang Pilipina hindi basta kontento ako sa pagiging fluent sa wikang Tagalog para lang hindi ako maibenta sa Pilipinas.
Type ako na mahilig sa paghuhukay, syempre paghuhukay para hanapin kung may perang nakatago sa ilalim ng lupa, pero mahilig din ako sa ibang uri ng paghuhukay: ang paghuhukay para masumpungan ang tumpak na kaalaman.
At para maging posible ito naging ako ang isang tomador (biro lang...), sa diwa na nagbabasa ako ng maraming makapal na tomo.
Ano kaya ang natutuhan ko tungkol sa wikang Tagalog bukod sa kakayahang magsalita para hindi ako maibenta sa Pilipinas?
Natutuhan ko ang balarilang Pilipino at nais kong i-share ito sa mga katutubong Pilipino na, sa 99% ng mga kaso, ay hindi marunong ng kahit ano tungkol sa balarila at kung papaano ipaliwanag ito sa isang foreigner katulad ko.
Baka itong post na ito ay maaaring gamitin ng isang Pilipinang may asawang foreigner na nagnanais matuto ng Tagalog para malaman kung ano ang kailangang ipaliwanag sa isang taga-Kanluran para makakuha siya ng diwa ng balarilang Pilipino.
Salitang Ugat at Panlapi
Ang unang bagay na kailangang ipaliwanag sa isang foreigner na nagnanais matuto ng Tagalog ay na sa wikang Tagalog maraming mga salita ay binubuo ng isang halo-halo (masarap ang halo-halo, ano...) ng tinatawag na salitang ugat, gaya ng lakas, ganda, talino..., at ang isang panlapi, gaya ng ma-, -um-, ka-...-an at marami pa.
Ang salitang ugat ay tinatawag na root-word sa wikang Ingles, samantala ang panlapi ay tinatawag na affix.
Ang AFFIX o PANLAPI ay ikinakabit sa ROOT-WORD o SALITANG-UGAT.
Ang isang halimbawa ng "pagkakabit" ay ang halo-halo ng salitang lakas at ang salitang ma- para bumuo ng salitang malakas.
Batay sa uri ng panlapi na idinidikit ng isa sasalitang ugat pwedeng bumuo ng isang
Pandiwa (verb): halimbawa gumanda
Sa ganitong halimbawa ang uri ng panlapi, ibig sabihin ang -um-ay tinatawag na gitlapi dahil nasa gitna ng salitang ugat siya
Pang-uri (adjective): maganda
Ang panlaping ma-ay tinatawag na unlapi dahil nasa unahan ng salitang ugat siya
Pangngalan (noun): kagandahan
Sa halimbawang ito ang mayroon sa unahan ng salitang-ugat na "ganda" ay ang unlaping "ka-" at sa dulo ang mayroon ay ang hulaping "-(h)an".
Bweno, hanggang dito na lang ako sa post na ito.
Alam ko na alam na ninyong mga Pilipino ang tungkol sa mga bagay na ito.... kaso ang karamihan ng mga Pilipino ay hindi marunong magpaliwanag ng balarilang Pilipino sa aming mga foreigner at ito ay naging isang problema para sa akin noong gusto kong magpaturo sa mga Pilipino at wala sinumang marunong magpaliwanag ng mga bagay na ito sa akin.
(to be continued....sa susunod na lang)
No comments:
Post a Comment