Ring...ring...
Nagising ako mula sa pagkakaidlip. Dali-dali kong kinuha ang cellphone ko sa kulay rosas na lamp shade table na kadikit ng higaan ko. Inilagay ko sa speaker mode ang cellphone.
"Hello?"
"Hello, Mom? Asan ka na ba at hindi ka man lang nag-text sa amin?"
Hindi agad ako nakasagot dahil napansin kong nasa may pintuan si Dina.
"Isasara ko lang ho sana ang pinto," iyon lamang at marahan niyang isinara ang pinto.
"Mom?" ang medyo painis na sabi ni Kate sa kabilang linya.
"Okay naman ako. Napagod lang kaya naidlip saglit. Kumusta kayo diyan?" tanong ko habang bitbit ang cellphone. Tumayo ako at naglakad papuntang kabilang partisyon ng attic. Inilapag ko ang cellphone sa coffee table na malapit sa malalaking bintanang gawa sa salamin. Tanaw na tanaw mula dito ang mga sasakyang paroo't-parito sa South Drive.
"Well, at least we know that you're okay...uminom ka ba ng gamot mo?" may pag-aalala sa boses ni Kate.
"Maya-maya pa ang kasunod. I am functioning well, don't worry. Asan pala ang daddy mo?" tanong ko.
"Ayun, nasa kitchen at nagluluto. Nakalista na ang kakainin namin for the whole week," sagot ni Kate.
"Good for you, kaya ninyo naman pala nang wala ako eh," pabiro kong sagot.
"How's Baguio pala, Mom? Malamig ba ngayon?" may excitement sa boses ni Kate.
Sinipat ko ang labas at tinignan kung may namumuo bang fog. Manipis na fog ang nakita ko. Malamig ang panahon kumpara sa Quezon City pero mas malamig ang panahon noong unang beses kong marating ang Baguio noong 1994.
"Tolerable coldness lang. Mas malamig noon," kaswal na sagot ko.
Naputol ang konsentrasyon ko sa pag-uusap namin nang mapansin kong may taong nakatingin sa akin mula sa gate. Pinipilit kong maaninag ang mukha niya pero tila dinaraya ako ng aking paningin na blangko ang mukhang nakikita ko. Gumapang ang kaunting kilabot sa aking katawan. Pinikit ko ang mga mata ko at idinilat kung naroroon pa ang taong nakatingin. Sa pagkakataong ito ay nakahawak ang dalawang kamay niya sa grills ng gate. Naka-itim siyang kasuotan mula sa jacket hanggang sa sapatos.
"Kate, tatawagin ko lang ang caretaker. I am not sure pero parang may tao sa gate," paalam ko kay Kate saka ibinaba ang cellphone.
Humahangos akong bumaba ng hagdan para hanapin si Dina. Tinawag ko din ang pangalan niya. Napansin kong nakabukas ang back door. Lumabas ako at tama nga na nasa backyard si Dina at nagdidilig ng mga halaman.
"Dina, may nakita akong taong nakatayo sa gate. May inaasahan ka bang delivery?"
Napakunot ng noo si Dina, "Wala naman po."
"Sigurado ka ba? Nakita ko sya. Tara at baka naroon pa," hinawakan ko sa bisig si Dina para kumbinsihing sumama sa akin.
Inilapag ni Dina ang hose at sumama sa akin paikot sa front yard.
"Wala naman pong tao," ang matabang niyang sabi.
"Baka nainip at umalis na. Kitang-kita ko sya habang kausap ko si Kate," sagot ko.
"Anak nyo po si Kate?" tanong ni Dina.
"Yes, my only child," sagot ko. Naglakad ako papuntang upuan sa hardin.
"Ah, kaya po pala parang malakas ang loob na kausapin kayo," ang tugon ni Dina habang paiwas ang tingin sa akin.
"What do you mean?" clueless ako sa gusto niyang tumbukin.
"Kanina po, nung isasara ko ang pinto ng kwarto ninyo ay narinig kong nag-uusap kayo. Parang magkabarkada lang kayo kung makipag-usap sa inyo si Kate," ang walang pag-aalinlangan niyang sabi.
"Well, dahil ba sa hindi sya nagpo-po at opo sa akin? Siguro nga na for a long time ay naging parang magbarkada lang kami dahil bata akong nag-asawa. Pero sa daddy niya ay nagpo-po at opo naman siya," nakangiti kong sagot.
"Hindi po ba't mas weird iyon na sa tatay niya lang siya may pagkatakot o pagkailang samantalang halos magkaedad lang naman yata kayo ng husband ninyo?"tanong ni Dina.
Napatigil ako. Bakit nga ba naging ganun ang set-up namin sa bahay? Hindi ko pinansin ang puna ni Dina dahil naglalaro pa din sa isip ko ang nakita kong pigura ng tao. Posible kayang si Rupert ang nakita ko kanina? Ngunit kung siya man, bakit hindi sya kumatok o pumasok? Ipinikit ko ang mga mata ko at tinangkang alisin sa isip ang mga agam-agam. Pagdilat ko ay mag-isa na lang ako sa hardin. Nababalutan na din ng makapal na hamog ang mga tuktok ng pine tree. Lumalamig na ang paligid kasabay sa pagsapit ng dapit-hapon. Tumayo ako at pumasok para iwasan ang papalamig na gabi.
No comments:
Post a Comment