Pauwi na ako mula sa pagdya-jogging nang di ko mapigilang tumingin sa direksyon ng bahay nila Rupert. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw na tanaw ang bintana ng kuwarto sa ikalawang palapag ng college house. Ito ang kwarto nila Clara, Marie at Joy. Kumabog nang husto ang dibdib ko ang masilip ko ang malawak na bakuran na may nakahilerang mga pine tree. Napalilibutan na ng mga yellowbell ang bakod. Mukhang maayos namang naaalagaan ang bermuda grass na lalong nagpatingkad sa ganda ng hardin. Hindi nasisilip ang buong bahay mula sa gate dahil nakukublihan ito ng mga punong hindi naman katangkaran.
Matagal nang may remote control ang front gate nila Rupert. Kumbaga ay hindi pa gaanong uso ay mayroon na sila. Kung nagluluko ang remote, may passcode namang pipindutin sa tagong bahagi ng bakod. Lagusan din ang bahay nila sa kabilang kalsada. Sa back gate kami dumaraan kapag kailangang ilabas o ipasok ang mga sasakyan dahil ang garahe ay nasa likurang bahagi ng bahay. Mataas ang back gate at mahirap akyatin, kabaligtaran naman ng front gate na ang tanging seguridad ay ang passcode at remote-controlled na gate.
Alam ko ang passcode ng front gate dahil madalas naman ako sa bahay nila. Sinubukan kong pindutin ang apat na numerong natatandaan ko. Nakahanda akong tumakbo kung mali ang napindot ko dahil tiyak na mag-aalarm ito mula sa bahay.
"0525," nanlalamig kong pinindot ang keypad.
Tik... hindi ako makapaniwalang ilang dekadang hindi pinalitan ang passcode. Dahan-dahang bumukas ang front gate at natambad ako sa malawak na lupang sumalubong sa akin. Bagama't nagdadalawang-isip ay tinapangan ko ang loob ko at marahang lumakad papasok.
"Crack!"
Natapakan ko ang isang piraso ng pine cone. Maraming pine cone ang nalaglag at nagmistulang disenyo.
Tug...tug...tug... habang papalapit ako ay lumilinaw ang tunog na naririnig ko. Pilit kong inalala ang tunog kung saan nagmumula ngunit wala akong maaalala. Ang kahuli-hulihang tunog na tumatak sa akin hanggang ngayon ay ang malakas na sigaw na pinakawalan ni Rupert habang nagmamadali akong tumakbong pabalik sa college house.
Malamig na malamig ang aking mga palad habang papalapit nang papalapit sa tunog. Huminto ako at pinalibot ang aking mga mata sa malaking bahay na tanaw na tanaw ko na ngayon. Halos walang nabago sa bahay sa labing-walong taong hindi ko ito nakita. Ang tatsulok na bubong nito ay buong-buo pa at parang hindi naluluma. Puting-puti pa din ang haligi ng bahay. Ang nawala na lang ay ang tumba-tumba sa terrace ng bahay na pinaglalaruan ko noong madalas pa akong magpunta.
Tug..tug.. tug... lalong lumalakas ang tunog na nanggagaling sa likurang bahagi ng bakuran. Lumakad ako at nakita ko ang nakahubad na lalaking nakatalikod. Nag-alala akong makita niya dahil trespassing ang ginawa ko. Sa pagmamadali kong makabalik sa front gate ay nagkamali ako ng hakbang at nadulas.
"AYYYYY!" pasalampak kong upo sa porch.
Pagtingin ko sa harap ko ay nakita ko ang palakol na hawak ng lalaki. Nanginginig akong tumingin pataas at para akong nabuhusan ng malamig na tubig.
"Leona? Ano'ng ginagawa mo dito?" hindi ko mawari kung galit o nagulat lang si Rupert.
Halos hindi ako makatayo dahil sa sakit kaya't binuhat niya ako. Hindi ako makapagsalita hanggang sa inupo nya ako sa garden chair na nasa likod na bahagi ng bahay kung saan kami nagba-barbecue noon.
Nakatayo naman si Rupert at hinatak ang puting T-shirt sa isang garden chair. Hindi ko maiwasang tignan ang malaking pagbabago sa kanyang katawan mula sa payat na teenager na nakilala ko hanggang sa pagkakaroon ng matipunong katawan ngayon. Naaalala kong pawisan nga pala ako ngayon dahil sa pagdya-jogging. Hindi ko alam kung nahiya ba ako na ganito ang hitsura ko sa muli naming pagkikita.
"Hindi ka nagsabing dadalaw ka. Paano ka nga pala nakapasok?"
"Yung... passcode."
"Ah, hindi ko pinalitan," napangiti siya.
"I just tried... nag-jogging lang ako tapos nadaanan ko ito. Sige, aalis na ako. Wala na yung sakit sa pagkakadulas," pinilit kong tumayo.
Lumapit si Rupert at hinawakan ako sa kanang braso, "Gusto mong ihatid kita ng bike?"
Napangiti ako. Naaalala niya ang unang pagkakataong nagkakilala kami. Ganun pa man ay napalitan ito ng matinding pagkatakot nang makita ko si Mama Tam na nakatingin sa amin at nanlilisik ang mga mata. Pagod, gutom at matinding takot---hindi ko na namalayang nawalan na pala ako ng malay. Maling-mali yata ang pagbabalik ko sa malaking bahay dahil hindi ko pa din kayang harapin ang multo na sinusundan ako sa loob ng labing-walong taon.
No comments:
Post a Comment