Gumawa siya ng paraan para matulungan ang kanyang nanay sa kanilang gastusin sa bahay at sa kanyang pag-aaral. Sino ba naman ang hindi mamamangha sa mga surpresang natanggap niya matapos malaman ng marami ang kuwento kaugnay sa kanyang pagtitinda ng taho?
Kaya naman labis ang pasasalamat ng isang Grade 11 student sa mga taong naghatid ng kaalwanan sa kaniyang paghahanapbuhay habang nagsisikap siyang marating ang pangarap niyang maging future inhinyero.
Pagpapahayag niya ng pasasalamat sa kanyang Facebook post matapos makatanggap ng tulong mula sa mga taong hindi niya kakilala, "Thank you so much to all of you!!! Greatly appreciated and I am forever grateful for the huge help that you all have been giving to me including other donations online, and even the support from my parents, friends/schoolmates, mga kakilala ko, and school staff."
Nagbitaw rin siya ng pangako na pahahalagahan niya ang lahat ng sportant ipinagkaloob sa kanya. Aniya, "I will make sure to make good use of this continuous help and support, successfully becoming a civil engineer is part of it too! Once again, thank you!"
Back Story
Kamakailan ay nag-viral ang mga kuhang video at larawan ng isang netizen na si Jhap Tarog sa isang estudyante sa Tanza, Cavite na nagtitinda ng taho habang papasok sa eskwelahan, tuwing breaktime at kapag uuwi na ito.
Mahirap na gawain para sa isang kabataang papasok pa sa paaralan, 'di ba? Hindi biro ang magpasan ng mga paninda niya mula sa bahay patungo sa paaralan, pero kinakaya naman niya nang may ngiti. Ngunit para sa maraming netizens na nakapansin sa post ni Jhap Tarog, mahirap ito dahil kinakailangan niyang magising nang mas maaga at magpasan ng dalawang balde ng paninda, rain or shine, 'ika nga.
Si Gopi o Gurprit Paris D. Singh sa totoong buhay, ay labing-anim na taong gulang at Grade 11 sa kanyang pinapasukang paaralan. Siya ay ipinanganak sa Cebu City at nakatira ngayon sa Tanza, Cavite kasama ng kanyang ina.
Ang estudyante ay may lahing Indiano dahil ang kanyang tatay ay isang Indian National. Ang nanay naman niya ay isang Filipina.
Bilang estudyante na may mataas na pangarap, kailangan niyang maglaan ng quality time sa pag-aaral at alagaan din naman ang kanyang pangangatawan at kalusugan.
Bilang maagang pamasko ay nakatanggap siya ng e-bike na may sidecar mula sa mga may mabubuting pusong netizens.
Basahin: Estudyante sa Cavite, nagtitinda ng taho habang patungo sa paaralan at kada breaktime
Dalawang magkaibigang negosyante, sina Mike Ivander at Renz Marlon Gollaba Mateo ng JRP Thailand ang nagdesisyon na bigyan ng maagang pamasko si Gopi.
Ayon sa post ng Epipanio Delos Santos Avenue, personal na ibinigay ng magkaibigan ang cash donation, grocery items at hindi lang yon; mayroon pang bagong E-bike with sidecar para hindi na siya nahihirapan pasanin ang itinitinda niyang taho. "Gopi's Taho Special" ang mababasa sa bagong e-bike ni Gopi.
Hindi na siya mahihirapang magpasan at mas maraming oras na ang mailalaan niya sa kanyang pag-aaral. Malaking kabawasan naman sa kanilang alalahanin ang cash donation na ibinigay ng magkaibigan.
"Itong cash donation magagamit niya sa pangangailangan niya sa mga gastusin sa bahay at eskwela. Itong grocery item naman para sa kanilang mag-ina. Sa maliit na paraan man lang ay makatulong kami kay Gopi. Isa siyang huwarang anak at estudyante," pagsasalaysay ni Renz Mateo.
Buhos Biyaya
'Ika nga ni Gopi, "Life is like Math as there is always a solution to every problem. I only wish na sana yung mga taong going through hardships or problems in life will be able to find their solutions to solve their problems, and be happy including me."
Ang kuwento ng huwarang anak at mag-aaral na si Gopi ay magpapaalala sa mga kabataan na maging determinado sa pagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap. At kapag mayroong mga tumutulong, huwag nilang sayangin ang mga pagkakataon.
Mahihinuha naman sa mga bitaw na pananalita ni Gopi na ito ay batang mahusay at may angking talino.
Ibinahagi ni Mike Ivander ang video na ito ng kanilang surpresa. God bless you, mga kuya!
No comments:
Post a Comment