Labis na hinangaan ng mga netizen ang food vlogger na si Ninong Ry sa pagbisita nito sa San Juan City Jail kamakailan upang magluto para sa persons deprived of liberty (PDL) kaugnay ng National Correctional Consciousness Week.
Pag-amin ni Ninong Ry, nang imbitahan siya ng kaibigang si Karen Bordador na dati ring naging PDL ay inakala niyang ang karanasang babaunin niya lamang ay ang makapagluto sa ibang environment.

"Sa totoo lang, hindi ako aware sa mga ganitong bagay. Nandito lang ako dahil inalok ako na magluto sa loob ng kulungan. Bilang taong gustong nagluluto, sabi ko kelan pa ba ko magkakaroon ng pagkakataon na magluto sa kulungan?" aniya.
"Akala ko yun lang yung makukuha ko. Hindi lang yun yung nakuha ko. Ang dami kong bagay na natutunan, ang dami kong bagay na naramdaman na hindi ko naman mararamdaman kung hindi ako nandito ngayon. Ang dami kong nakita, ang dami kong nakausap. Ang dami ko talagang na-experience dito."
Naghanda siya ng caldereta at roasted chicken para sa mga PDL.

Ani Karen, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nararanasan ng mga PDL na makakain ng masasarap na pagkain.
Ani Ninong Ry, sana ay makatulong ang kaniyang vlog upang marami pang Pilipino ang makaalam tungkol sa mundo ng mga PDL.
"Sana mga inaanak, tingnan nating mabuti kung ano yung mga nasa paligid natin. Hindi naman lahat ng bagay, yun na siya sa unang tingin. Lahat ng bagay, may lalim pa yan. Nananahimik lang ako sa bahay, nagluluto lang ako, hindi ko alam may ganitong mundo pala."

Labis naman ang papuri ng mga netizen kay Ninong Ry.
"Ninong Ry! Bat mo naman ako pinaiyak?! Huhu habang pinapanuod ko toh sobrang saya ng puso ko. Napakabait at buti mo Ninong Ry at sayo din Ms. Karen Bordador na nakaisip neto. Thank you, Thank you so much sa inyo. Sana hindi lang kayo ang ganyan at sana hindi lang ngayon yan. Sobrang nakakatouch talaga ang ginawa nyo. Saludo ako sayo Ninong Ry ang galing galing mo," sabi ng isang netizen.
No comments:
Post a Comment