Hindi pabor si DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte-Carpio na ang guro at estudyante ay 'friends' sa social media maliban na lamang umano kung sila ay talagang magkamag-anak.
Ito ang isa sa nilalaman ng Department Order (DO) No. 49 series of 2022 na naglalayong isulong ang 'professionalism' sa mga kawani ng DepEd lalo na sa mga guro.
Nasasaad dito na dapat ay laging sumunod ang mga guro sa tinatawag na "acceptable norms of conduct and relations in DepEd" at kabilang na nga rito ang pag-iwas sa pagkakaroon ng relasyon, interaksyon, at komunikasyon, kabilang na sa social media, ng mga guro sa mga estudyante sa labas ng eskuwelahan maliban na lamang kung sila ay magkadugo o magkamag-anak.
"Ang pagiging magkaibigan dapat nasa loob lang ng classroom or school setting at hindi natin dinadala sa labas," paliwanag ng Bise Presidente.
Imahe mula sa Facebook
"Dapat, as a teacher, meron talagang line between him or her and the learner. Dapat hindi sila magkaroon ng friendly relations with their learners outside of the learning institution setting dahil nagkakaroon ng bias iyong isang tao kapag nagiging kaibigan na niya. Of course, relationships, mayroong mga problema iyan," dagdag pa nito.
Ang kautusang ito umano ay upang maiwasan ang mga insidente kung saan ang guro at estudyante, dahil naging malapit na sa isa't isa, ay 'lumalabas' nang magkasama at minsan ay nauuwi sa hindi magandang pangyayari.
Maliban sa nasabing kautusan, kabilang din sa isinusulong na 'professionalism' sa DepEd ang pagbabawal sa mga guro na sumali sa mga 'partisan' activities.
Dahil dito lahat ng opisyal at kawani ng ahensiya ay pinagbabawalan na mangalap ng "endorsements, recommendations, contributions, support, consideration, political accommodations, or any form of intervention from other government personnel or similar entities outside."
Inaatas din ng naturang department order (DO) na lahat ng kanilang empleyado ay dapat laging mulat sa implikasyong legal ng anumang ibinabahagi nila sa social media at huwag maging bahagi ng pagpapakalat ng maling imormasyon o 'fake news'.
No comments:
Post a Comment