Gaano nga ba ka-espesyal ang ating kaarawan? Para sa marami, isa itong milestone, isang biyaya na ipinagpapaasalamat sa lumikha. Isa itong okasyon na kahit simple man ay nais nating ipagdiwang sa paraang kaya natin.
Nag-viral ang isang jeepney driver sa Batangas dahil sa pagbibigay nito ng libreng sakay sa mga pasahero bilang pagdiriwang nito ng kanyang kaarawan. Marahil, ito'y pasasalamat sa kanyang mga pasahero na itinuturing niyang pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay.
Ibinahagi ng netizen na si Love Lavapie sa kanyang Facebook post ang larawan ng isang tarpaulin sa likod ng driver's seat na nagsasabing "Dahil Birthday ko ngayon, Libre sakay para sa lahat."
"Thank you pooo ulit. Happy Birthdayyyy!!!" saad ni Love sa kanyang post.
Labis na nagpasalamat ang uploader, siguro hindi lang dahil sa nakalibre siya ng pamasahe kundi para na rin sa iba pang natuwa sa kanyang 'treat' na libreng sakay. Hindi naman kasi biro para sa isang laborer na pakawalan ang kanyang kikitain sana sa araw na ito. Ngunit para kay Manong driver, kahit man lang once a year siguro ay nais niyang magbalik-pasasalamat sa kanyang mga suking pasahero.
Ayon sa netizen, ang jeepney ay biyaheng Batangas-Capitolio-Hospital.
Kahit na mataas ngayon ang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin ay nagbigay pa rin ang jeepney driver ng libreng sakay. Kahanga-hanga, 'di ba?
Nakakuha naman ng maraming papuri mula sa social media users ang nasabing pasasalamat post ni Love.
Ilang netizens din ang bumati kay Manong driver.
"GOD BLESS YOU ON YOUR BIRTHDAY! more happy birthdays to celebrate with libreng sakay."
"Happy birthday po Kuyang Driver/Owner ng jeep na iyan. God bless you and keep safe po."
Bahagi na ng buhay ng maraming commuters ang pagsakay sa dyip. May mga dyipni na may aircon, electric fan, at malalaking speakers na may malalakas na tugtugin. Marami ang nananalig na hindi mawawala sa sirkulasyon ang sasakyang bahagi na ng ating kultura.
No comments:
Post a Comment