Balut, penoy, nilagang mani, o itlog pugo? Kasama ka rin ba sa mga suki ng naglalako ng mga ito lalo na tuwing gabi? Hindi maikakaila na ang pagbili ng mga "pagkaing panggabi" na ito ay naging bahagi na ng sistema ng napakaraming Pilipino noon.
Mula't sapul ay kinukumpleto na ng balut, penoy, nilagang mani, at itlog ng pugo ang gabi ng maraming Pinoy; mga Pinoy na nakalakhan na ang pagbili ng mga ito sa mga tindero at tinderang nagsisimula nang maglako bago o matapos ang oras ng hapunan.
Kung madalas ngayon ay chips ang baon natin kapag nanonood sa Netflix o sa palabas sa TV, noon ay ang mga ito ang palaging kinakain ng marami habang nakatutok sa mga sinusubaybayang palabas. Pasok din daw ang mga ito sa mga simpleng kuwentuhan ng magkakapamilya o magkakaibigan, o kung nais lang ng simpleng pagsasaluhan.
Dagdag pa rito, higit sa nagbubuklod sa magkakapamilya, maaari pang ma-enjoy kahit nag-iisa; kapag nagbabasa ng libro, kapag mas gusto mong manood nang mag-isa, kapag walang magawa at nagmumunimuni, at marami pang iba.
Sa Facebook group na Memories of Old Manila, itinanong ng isa sa mga miyembro kung alin ba sa mga ito ang pinakapaborito nila. As expected, marami ang nahirapang mamili dahil halos lahat daw ng mga pagkaing ito ay gustong-gusto nila. Madalas nga raw ay hindi na sila namimili kapag nariyan na ang naglalako, bumibili na lamang daw sila ng pakaunti-kaunti sa bawat klase ng pagkaing itinitinda nito.
Mayroon pa ngang nagbiro na maging asin at suka na dala ng tindero ay gusto rin niya. Kung sa bagay, makukumpleto ba naman ang pagkain ng mga ito kung walang mga kapares o dagdag na pampasarap?
Samantala, bagama't madalang nang makakita ng naglalako ng mga ito tuwing gabi, kapag nakatitikim ay parang natitikman na rin ng iba ang masasayang alaala sa kahapon nila.
No comments:
Post a Comment