Isang tricycle driver mula sa Bulacan ang mapalad na nag-uwi ng mahigit P188-M na jackpot sa 6/49 Super Lotto na binola noong nakaraang buwan.
Umabot sa P188,471,378 ang premyong napanalunan ng lalaking trike driver mula sa bayan ng Guiguinto na ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay kinubra na sa kanilang tanggapan nitong Martes, Nobyembre 8.
Masuwerteng nahulaan ng bettor ang lumabas na numerong 09-03-19-13-20-29 sa 6/49 Super Lotto mula sa October 23 draw.
Mismong si PCSO General Manager Melquiades Robles ang personal na nagbigay ng tseke sa nanalong lalaki.
Ayon sa bettor, mahigit 20 taon na niyang inaalagaan ang lumabas na winning combination. Ito na umano ang hinihintay nilang suwerte para mabago ang kanilang buhay.
"Matagal ko nang inaalagaan ang mga numerong ito. Madalas, tumataya ako kapag alam kong malaki na ang jackpot prize," bahagi ng lalaki.
"Kaya sa pagkakataong ito, labis po ang tuwa kasi mababago na ang buhay namin," dagdag pa nito.
Samantala, nitong buwan lamang ng Nobyembre ay tatlong bettor na kaagad ang napabilang sa listahan ng mga bagong milyonaryo dahil sa pagtaya sa Lotto.
Noong Nobyembre 5, isang mananaya mula sa Naga City ang nanalo ng P 29.7-M jackpot prize ng 6/55 Grand Lotto habang panalo naman ng mahigit P15-M ang isang bettor mula sa Pitogo, Quezon Province.
Bago pa man ito ay nag-uwi rin ng P21-M ang isang mananaya mula Taytay, Rizal matapos mahulaan ang lumabas na winning combination ng Mega Lotto 6/45.
Samantala, nagpaalala naman ang PCSO na mayroon lamang isang taon ang isang mananaya mula sa petsa ng bola para kunin ang kanilang napanalunang premyo sa kanilang tanggapan, ayon na rin sa batas.
Kailangan ding lagdaan sa likod ang kanilang winning ticket at magdala ng dalawang government-valid IDs bago magtungo sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard sa Mandaluyong City.
No comments:
Post a Comment