Isa sa mga hindi mawawalang panghimagas sa tuwing sasapit ang mga espesyal na okasyong gaya ng Pasko at Bagong Taon ay ang mango float.
Ang mango float o crema de mangga ay isang Pinoy icebox cake dessert na binubuo ng layered ladyfingers o Graham crackers, whipped cream, condensed milk, at hinog na carabao mangoes. Medyo matrabaho nga lang ang paggawa nito, pero kung titiyagain, tiyak na masisiyahan naman sa pagkain nito ang iyong pamilya, mahal sa buhay, o mga bisita.
Kaya naman, ayon sa ulat ng Balita Online, katatawanan ang dulot sa social media ng iba't ibang Facebook post na nagpapakita ng "di tinipid sa sangkap pero tinamad sa preparasyon" sa paggawa ng mango float sa nagdaang Pasko, at siyempre, ngayong papasok ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Makikita sa mga litrato na basta na lamang inilagay ang Graham crackers at ipinatanong ang mga hiniwang mangga, batay sa Facebook page na "So Yummy Talaga".
Ngunit ang isang nagpatawa talaga sa lahat ay ang "self-service" na paggawa ng mango float kung saan makikita ang isang beki na kumukuha ng mga rekados paisa-isa.
Ibinahagi ito sa Facebook page na "Klasik Titos and Titas of Manila".
Ang isa naman, tinamad nang maghiwa ng mga mangga at gumamit na lamang ng isang powedered mango juice.
Makikita naman ito sa Facebook post ni "Nat Han".
Paano nga ba gumawa ng mango float?
Bago ang lahat, kailangan munang ihanda ang mga sumusunod na sangkap: 2 hanggang 3 tasa o mangkok ng hinog na mangga, na maninipis ang pagkakahiwa, Graham crackers, crushed Graham, 1 lata ng all-purpose cream, at 1 lata ng condensed milk.
Kapag handa na, sundin ang sumusunod na mga proseso.
Una, isang hugis-parihabang lalagyan, ayusin ang 8-10 piraso ng Graham crackers, pagkatapos ay pagtabi-tabihin. Magtabi ng iba pa para sa susunod na layer.
Sumunod, ihalo ang cream at kondensada. Pagkatapos ay sa layered crackers sa ibaba, ikakalat ang gatas at cream halo. Maglatag ng manipis na hiwa ng mangga, ipantay sa tuktok ng cream.
Gumawa ng isa pang layer ng Graham crackers, ikalat ang cream at manggang hiniwa. Maaari kang gumawa ng maraming mga layer kung gusto mo.
Palamutihan ang tuktok ng layer ng mangga at durog na Graham crackers.
Palamigin ang mango float nang hindi bababa sa 2-3 na oras bago ihanda. Hinay-hinay lang sa pagkain!