Kabilang ka ba sa mga batang 90s na naging sobrang paborito ang Iced Gem bisuits? May sariling paraan ka rin ba ng pagkain ng mga makukulay na biskuwit na ito?
Kasing tamis at kasing kulay ng 90s favorite na Iced Gem ang mga alaalang ibinabalik ng classic na biscuit na ito; na madalas binabaon sa eskuwela, kabilang sa mga pagkaing inihahain sa bahay-bahayan o niluluto sa lutu-lutuan, at palaging kasama sa meryenda.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, sinariwa ng social media users ang mga alaalang kakabit na ng pagkaing ito na malaking parte ng kabataan ng marami.
Kabilang sa mga binalikan nila ay kung paano sila kumain nito; kung inuuna o inihuhuli rin ba nila kainin ang icing, kung pinagsasama-sama rin ba nila ang parehong kulay, o kung anong kulay ang inuuna at inihuhuli nila.
"Ginawa mo rin ba ito? 'Yong kakainin mo muna biscuit tapos iipunin mo 'yong nasa ibabaw?" tanong ng admin ng page.
Kuwento ng karamihan, katulad ng nakasaad sa post ng page, "save the best for last" din ang sistema nila. Anila, isa-isa muna nilang aalisin ang nasa ibabaw at itatabi sa isang lalagyan, pagkatapos ay kakainin muna isa-isa ang pinagdikitan ng mga ito. Ang iba naman daw ay nagmamadali sa tinatawag nilang "best part" at kinakain na kaagad ang matamis na topping sa ibabaw ng bawat biscuit.
Samantala, naging libangan din daw ng ibang batang 90s na pagsama-samahin muna ang magkakakulay at saka sila mamimili ng uunahin nila. Kinokonsidera din daw nila ang paborito nilang kulay sa pagkain ng Iced Gem. Ang iba ay inihuhuli ito, habang ang iba naman ay ito ang inuuna.
Ikaw, paano mo kainin ang Iced Gem mo? Ano-anong alaala ang maibabahagi mo tungkol sa classic biscuit na ito? Hanggang ngayon ba ay paborito mo pa rin? Ibahagi sa amin ang kuwento mo!
No comments:
Post a Comment