Isa sa mga hinambalos ng pandemya simula pa noong 2020 ay ang sektor ng edukasyon. Marami sa mga pribadong paaralan ang pinili na lamang na magsara at ihinto ang operasyon bunsod ng kawalan ng kita dahil sa kakulangan ng mga nag-enrol.
Ang ibang mag-aaral ay inilapat na lamang sa pampublikong paaralan, dala na rin marahil ng paghihigpit ng sinturon ng kanilang mga magulang, na maaaring nawalan ng trabaho, nalugi at nagsara din ang negosyo, o nawalan ng pangkabuhayan at iba pang pinagkakakitaan.
Ngunit kakaiba ang nangyari sa mag-asawang Francisca Tomarong Uy, EdD o "Ma'am Franz", 57 anyos, at Jose Alcorcon Uy, Jr. o "Sir Joe", 50 anyos, matapos nilang maisipang magtayo ng dalawang Senior High School sa Toledo City, Cebu, kung saan libre ang matrikula, libre ang PE uniform, at ID sling!
Ayon sa panayam ng Balita Online sa mag-asawa, malalim daw ang ugat kung bakit minabuti ng mag-asawa na sumugal sa naturang adhikain. Kuwento ni Franz, bata pa lamang siya ay hangad na niyang maging guro at magkaroon ng sariling paaralan para sa mga nangangailangan. Produkto siya ng pampublikong paaralan dahil hikahos lamang sila noon. Aniya, pinangarap daw niyang mag-aral sa pribadong paaralan subalit wala namang pera ang kaniyang mga magulang.
Hindi naatim ng mag-asawa ang iba't ibang kuwentong narinig nila na maraming mga mag-aaral sa pribadong paaralan sa kanilang lugar na pinili na lamang lumipat sa pampublikong paaralan, o mas malala, ay huminto na lamang, upang makatulong sa kanilang mga magulang na nawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdowns.
Sa tulong daw ng sariling pera, pangungutang sa mga kaibigan, at pagkagat sa iba't ibang loans ay naisakatuparan nila ang pagtatayo ng dalawang paaralan---dahil wala silang sariling gusali, humanap sila ng paupahang establisimyento upang doon itayo ang kanilang pangarap.
Sa pamamagitan ng voucher system sa Senior High School na ibinibigay ng pamahalaan ay napapatakbo nila ang dalawang paaralan para sa operational expenses nito, gaya ng pagpapasuweldo sa kanilang mga guro at personnel. Kahit na libre ang matrikula, tinitiyak nilang napapasuweldo at naibibigay nila ang mga benepisyo ng guro dahil naniniwala silang investment sa paaralan ang pagkakaroon ng de-kalidad na pagtuturo.
"I said to myself, this is a high time for me to serve Toledo through the work I am very passionate about, teaching. The school opened and operated starting SY: 2020-2021."
"We offered a Senior High School program only with free tuition fees, free PE uniform and free ID with sling. The school relied on the subsidy from the government through the Senior High School Voucher Program," saad sa panayam ni Ma'am Franz.
Hindi umano madadala sa hukay ang salapi o yaman sa mundong ito, at kung may realisasyon mang naidulot ang pandemya sa mag-asawa, ito ay ang ibayong pagtulong sa kapwa.
Nagsisilbing mantra daw nila ang "Gugma Lang" o nangangahulugang "pagmamahal".
"We always say #GugmaLang. Our perpetual slogan "Estudyante Ko, Kapamilya Ko" leaves heartprints to each and every one. I believe that training the mind is good but training the heart is far more important. Above all, our teachers have beautiful souls na ang pagtuturo ay galing sa puso. We all believe that whatever we do, changes the world around us. We just have to decide the scale and quality of our purpose in life," paliwanag ng guro.
"Despite the financial limitations, we are able to overcome them, thanks to God and the support of the family because I had in-laws who assisted in running the finances of the school, PEGAFI in particular. In EEGAFI, we are still praying and hoping that eventually one day everything will be okay," saad ng mag-asawa.
"Here in PEGAFI and EEGAFI we will help you, our dear students, to become drivers, not passengers in life. The road you travel may be bumpy but it is the most scenic. #GugmaLang."
Kamakailan lamang ay pinarangalan si Franz bilang "Outstanding School Head of the Year" sa ginanap na awarding ceremony ng Instabright Publication sa Summit Ridge Hotel sa Tagaytay City, Cavite noong Nobyembre 5, 2022 dahil sa kanilang husay at dedikasyon sa larangan ng edukasyon.
Mabuhay po kayo, Ma'am Franz at Sir Joe! Nawa'y dumami pa ang mga kagaya ninyo at magsilbing inspirasyon sa lahat!
No comments:
Post a Comment