Pamilyar ka ba sa kasabihang "Pera na, naging bato pa?"
Ganiyan ang nangyari sa netizen na si "Jonathan De Vera" matapos niyang hindi sinasadyang maplantsa ang isang libong pisong polymer banknote na nasa loob pala ng bulsa ng kaniyang pantalon, na hindi niya naialis nang labhan ito.
"Isang nakakaasar na kaganapan. Basahin at intindihin, wag tularan," caption niya sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Enero 10.
"Naiwan ko sa bulsa ng pantalon ko ang 1000 na polymer. It so happen na nagplantsa ako. Nakapa ko lang nung binaligtad ko pantalon ko. Ito ang nangyari."
Kalakip ng kaniyang post ang mga kuhang litrato sa naturang polymer banknote na lukot-lukot na. Aniya, mukhang hindi na raw ito mapapalitan sa bangko at magiging souvenir na lamang ito. Ipandadagdag pa naman daw sana niya sa kanyang enrollment fee.

"Sadly di raw tatanggapin sa banko. In short souvenir ko na 'to."
"Moral lesson: wag ilalagay ang pera sa pantalon kundi sa wallet."
Ayon sa ulat ng Balita Online, si Jonathan ay Communications and Accounts Specialist at naninirahan sa lungsod ng Caloocan.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen. May mga naawa sa kaniya, natawa na lamang sa mga nangyari, nanghinayang, at may ilan ding tila hindi kumbinsido sa kaniyang sinasabi. Sapantaha ng ilan, sinadya niyang ganituhin ang pera bagay na labag sa batas.

"Pera na naging chicharon pa."
"Disadvantage na isa pala ito, pag nakalimutan mong bawal malukot sa pantalon at naplantsa or nalabahan mo wala na, unlike sa mga old type ng pera."
"Sayang... makakabili na rin ng sibuyas niyan hahaha."
"Hindi mo naman maibubulsa 'yan nang hindi mo itutupi. At kung nasa bulsa nga 'yan nung naplantsa, eh di sana nakatupi ang pagkakasunog. Hindi convincing. Hahaha."
"Eh di butas yung pantalon? Grabe naman 'yan parang sinadya. You shouldn't made it public. May batas about sa mishandling ng paper money. You could face some charges or even jailtime."
Sa mga nagduda, ipinakita niya ang isang video kung paano niya naplantsa ang pera. Nasa malaking bulsa pala ito ng cargo pants niya kaya't nakaunat nang buo.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon o pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP kung may pananagutan ba ang netizen sa nangyari sa pera.
Nasa ilalim kasi ng Presidential Decree 247 na hindi maaaring gawin ang mga sumusunod sa mga inilalabas na bills o perang de papel: pagsulat o paglagay ng marka, pagpunit, paggupit, o pagbutas, pagsunog, labis na paglukot o pagtupi, pagbabad sa mga kemikal, o pag-staple at paglalagay ng anumang pandikit o sticker.
Hindi hihigit sa multang ₱20,000 o 5 taong pagkakabilanggo ang maipapataw sa sinumang lalabag dito.

No comments:
Post a Comment