Pinawalang-sala ng korte sa Las Piñas ang anak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin 'Boying' Remulla na si Juanito Jose Remulla III sa kasong kinasasangkutan nito na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Nitong Biyernes, Enero 6, inilabas ni Judge Ricardo Moldez II ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 197 ang hatol ng korte kung saan inaabswelto nito ang 38-anyos na si Remulla III.

Ito ay para lamang sa kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165 at mayroon pa siyang hiwalay na kasong kinakaharap sa korte ng Pasay City para naman sa importasyon ng ipinagbabawal na gamot.
Oktubre 11 noong nakaraang taon nang matiklo ang nakababatang Remulla sa operasyon ng PDEA kung saan nahulihan siya ng nasa 900 gramo ng kush na nagkakahalaga ng nasa P1.3-M.

Noong Oktubre 14 ay pormal siyang sinampahan ng reklamo sa korte sa Las Piñas dahil sa paglabag sa Section 11 ng RA 9165 at kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA.
Nitong Nobyembre 4, 2022, naghain ng 'not guilty' plea sa piskalya ang anak ng kalihim.
Naging kontrobersiyal ang naturang kaso dahil inilabas lamang ito sa media noong Oktubre 13 o dalawang araw matapos ang pagkakaaresto kay Remulla III.

Sa gitna ng mga agam-agam ng publiko, iginiit naman noon ni Sec. Remulla na hindi siya makikialam sa kaso ng anak at hahayaan niyang manaig ang hustisya.
"We all know about unconditional love but at 38 years old, he will have to face his predicament as a fully emancipated child," naging pahayag noon ng kalihim.
"A person should always face the consequences of their actions and I will let justice take its own course," wika pa ni Remulla.

Samantala, umani naman ng samu't-saring reaksiyon sa social media ang balitang naabsuwelto nga ang anak ng isang opisyal ng gobyerno.
Karamihan sa mga netizens ay dismayado sa kalakaran ng hustisya sa bansa ngayon kung saan lumalabas umano na kadalasan ay pabor lamang talaga sa mga mayayaman, may kapangyarihan at may koneksiyon sa pamahalaan.
No comments:
Post a Comment