Sa halip na purihin, nasermunan pa ng mga senador ang Bureau of Customs (BOC) dahil sa pagkumpiska ng mga ito sa ilang kilo ng sibuyas na inuwi ng mga crew ng PAL mula sa Middle East.
Sa ginanap na pagdinig ng Senado nitong Lunes, Enero 16, sinita ni Sen, JV Ejercito ang BOC dahil tila pinahiya ng ahensiya ang sampung empleyado ng PAL gayung wala naman daw ginagawa ang mga ito para hulihin at ipakulong ang mga smugglers at cartel ng sibuyas.

Para kasi kay Ejercito, parang 'pasalubong' na rin ng crew sa kanilang pamilya ang iniuwing sibuyas mula Riyadh at Dubai dahil sa mahal ng presyo ng nasabing gulay ngayon na pumalo na sa mahigit P700 kada kilo.
"'Yung PAL crew, nagdadala 'yan ng pasalubong for personal consumption. Dati, mansanas, ubas, pabango, sapatos. Ngayon, sibuyas na ang kanilang pinapasalubong sa kanilang mga pamilya. So, this is already a cause of alert," wika ni Ejercito.

Nakalulungkot lang umano na ang pinuntirya ng BOC ay ang sampung crew ng PAL na tig-iisa o dalawang kilo lang ang bitbit samantalang malayang nakapapasok ang ilegal na shipment ng sibuyas na nasa container vans pa.
Sinang-ayunan din ni Sen. Raffy Tulfo ang kaniyang kasamahan at sinabing hindi katanggap-tanggap ang ginawang ito ng BOC.

"Uminit ang ulo ko. Bureau of Customs, pinaghuhuli 'nyo itong mga airline crew, hinarang 'nyo pampasalubong lang. Bakit 'yung malalaking big-time smugglers na paulit-ulit na binabanggit, hindi 'nyo pinaghuhuli at pinagkukulong?" ayon naman kay Tulfo.
Siguro daw ay 'kaibigan' at kainuman pa ng BOC ang mga smugglers na maaaring pumupunta sa kanilang opisina upang makipag-kape habang nakataas ang paa sa mesa at may dalang 'saku-sakong' salapi.

Maging si Sen. Grace Poe ay nakisimpatiya rin sa napahiyang empleyado ng PAL dahil mistulang dumating na umano tayo sa punto na sibuyas na ang iniuuwing pasalubong imbes na ang mga nakagawiang pabango, sapatos at mga tsokolate.
Matatandaang noong nakaraang araw ay ibinahagi ng BOC sa kanilang Facebook page ang tungkol sa pagkumpiska nila sa nasa 40 kilo ng sibuyas at mga prutas mula sa crew ng PAL na umuwi sa bansa mula sa Saudi Arabia at UAE.
No comments:
Post a Comment