Sumabak na sa taping ng 'FPJ's Batang Quiapo' si Coco Martin na nagkataon namang kapistahan mismo ng Itim na Nazareno nitong nakaraang Lunes, Enero 9.
Ayon sa Instagram post ng Dreamscape Entertainment, ang producer ng nabanggit na teleserye, nakiisa rin sina Coco at mga staff ng 'Batang Quiapo' sa libo-libong deboto na ipinagdiriwang ang pista ng Black Nazarene.

"Nakiisa sina Coco Martin at ang staff ng FPJ's Batang Quiapo sa mga Pilipino at mga deboto sa paggunita ng kapistahan ng Itim na Nazareno," caption ng kanilang post.
"Ngayong araw din isinagawa ang unang araw ng taping ng #FPJsBatangQuiapo!" dagdag pa ng Dreamscape.
Sa isa pa nilang post ay makikita naman ang larawan ni Coco na taimtim na nagdarasal bago simulan ang kanilang taping.

Sa video rin na kanilang ibinahagi, makikita ang Kapamilya actor sampu ng mga staff na nakasuot ng maroon na T-shirt habang nanonood ng mga nagpuprusisyong mga deboto.
Tila isinabay na nga nila sa kanilang taping ang tunay na eksena sa kapaligiran ng Quiapo ng araw na iyon dahil abala ang kaniyang mga cameraman sa pagkuha ng video.
Bahagi ni Coco, maaga silang gumising dahil excited sila sa unang araw ng taping at gayon na rin sa kapistahan ng Itim na Nazareno.

"Masarap sa pakiramdam, kami… honestly napakapositive sa aming lahat. Ang aga naming gumising, ang gaan ng pakiramdam namin. Napaka-relax, well-coordinated lahat," wika ng aktor.
Bago pa man makilala sa showbiz ay deboto na rin talaga ng Black Nazarene si Coco Martin, gaya ng mga sikat na personalidad na sina Noli de Castro at Angeline Quinto.

Samantala, wala pang pormal na anunsiyo ang Dreamscape o ang ABS-CBN kung kalian mapapanood sa primetime TV ang 'FPJ's Batang Quiapo.'
Marami naman sa tagasuporta ng Coco ang umaasa na mapapantayan o kaya ay mahigitan pa nito ang tagumpay ng 'FPJ's Ang Probinsiyano' na nagtapos noong Agosto 2022 matapos ang halos pitong taon.
Panoorin:
No comments:
Post a Comment