Natatandaan mo pa ba kung paano ka pinapatulog noon ng iyong nanay? Sa pamamagitan ba ng oyayi (lullaby), o sa pamamagitan ng panakot na hanger?
Usap-usapan ngayon at kinabibiliban ang video na ibinahagi ng netizen na si "Jayvee Almazan" kung saan mapapanood ang kaniyang ateng si "Kat Hill Breeze" na pinapatulog ang kaniyang 4-month-old na pamangkin na si 'Katalia Chiang Kai Li", sa pamamagitan ng pag-awit ng classic song na "Yesterday Once More" ng Carpenters.

"Sana ganito lahat ng mommy magpatulog di yung may hawak na hanger," pabirong caption ni Jayvee sa kaniyang Facebook post, na umani na ng mahigit 80K reactions at 17K shares.
Humanga ang mga netizen sa malamyos na tinig ni Kat. Mas natuwa pa ang mga netizen dahil makikitang namungay na ang mga mata ni Baby. Mamaya-maya nakatulog na ito habang kalong-kalong ng kaniyang ina. Mukhang mabisa at gumana ang lullaby!

Narito ang ilan sa mga komento ng netizens:
"Ganito pala magpatulog ng bata hahaha, alam na namin sa susunod."
"Ganyan din ako dati ah. Concert pa nga habang nasa duyan, pero di na keri, sa hanger na sila nakakatulog."
"Sana all GANYAN kaganda boses, ako kasi pag kumanta nagigising lahat ng tulog na kapitbahay ko sabay bato sa bahay ko hahaha."
"Ganyan na ganyan ako with mic talaga kaya walang problema lalo sa mga mommy na mahilig kumanta kahit maingay at malakas ang sounds tulog na tulog si baby ko nakatitig muna maya-maya lang tulog na at ang himbing pa kahit birit na birit ka pa."

Ayon sa ulat ng Balita Online, dati raw nagtatrabaho bilang band singer sa mga hotel ang kaniyang Ate Kat. Taga-Batangas daw sila subalit ngayon ay naninirahan na sa Singapore ang kaniyang kapatid.
Mukhang nasa lahi ng kanilang pamilya ang husay sa pag-awit dahil noong 2022 ay lumahok si Jayvee sa "Sing Galing" ng TV-5.
Proud na proud naman si Jayvee sa kaniyang Ate Kat.
"Balitang-balita! Ibang klase talaga magpatulog ang isang Kat Hill Breeze! Yes na yes ka today!" aniya sa kaniyang Facebook post.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa 2.4M views ang nasabing video.
No comments:
Post a Comment