Sino ang may sabing kapag may edad na, hindi na puwedeng mag-feeling Gen Z, magsuot ng mga usong kausotan, o gumamit ng mga makabagong kagamitan?
Itinampok sa Balita ang post ng isang wedding coordinator at photographer na si "Aldik Gohel" kung saan ibinida niya ang selebrasyon ng 89th birthday ng kaniyang cool na grandma na si Lola Francisca Umali o "Lola Kikay" mula sa Tagaytay City, Cavite.
Kinaaliwan kasi ng netizens ang post ni Gohel tungkol sa kaniyang Lola Kikay na may suot-suot pang malaking headset at gumagamit ng tablet/i-Pad.
"Our Trending Lola, Slaying @ 89! HAPPY BIRTHDAY LOLA KIKAY!" ani Gohel sa caption ng kaniyang Facebook post.
Sa ulat, ibinahagi ni Gohel na sadyang mahilig sa Gen Z-style outfits ang kanilang Lola Kikay basta't komportable pa rin umano ito sa katawan.
"'Yung mga hanging clothes, see-through mga ganyan. Basta 'yung madali n'ya suotin," saad ni Gohel sa panayam sa kaniya.
Walang kaarte-arte at game na game ang kanilang lola sa anumang mga pakulo sa kaniyang birthday photoshoot. Tuwang-tuwa ito sa kanilang "umbrella money."
Masayang-masaya si Lola Kikay sa kaniyang kaarawan dahil lahat ng kaniyang mga anak ay umuwi sa Pilipinas para makasama siya.
"After the pandemic, now lang ulit nakapag-celebrate nang bongga si Lola, at nakauwi na ulit ang mga anak niya from abroad, US and Sweden. At gusto ng mga anak ay groovy and with fashion pa din ang outfit ni Lola," ani Gohel.
Natutuwa rin sina Gohel dahil malakas na malakas at mabuti pa rin ang kalusugan ng kanilang Lola Kikay. Para sa kanila, iyon daw ang mahalaga. Pati sila ay nai-inspire dahil sa maganda nitong disposisyon sa buhay.
"Nakaka-inspire siya sa edad niya 89, makikita mo na gusto pa niya mabuhay nang matagal at kayang makipagsabayan sa henerasyon ngayon," pahayag pa ni Gohel sa panayam ng Manila Bulletin.
Kaya naman, pagbati namin, Maligayang Kaarawan, Lola Kikay!
No comments:
Post a Comment