Sabi ng lolo at lola natin noon, ang Semana Santa o Holy Week daw ay panahon ng pagtitika, pangingilin at pamamanata.
Pero sa totoo lang, hindi naman talaga natin alam ang tunay na kahulugan ng mga salitang iyon noon. Basta sa payak na pagkakaintindi natin, ang Semana Santa ay panahong pinahirapan sa krus si Hesus at namatay, bago nabuhay muli makalipas ang tatlong araw.
Bilang bata noon, hindi nga ba at maraming bawal na gawin dahil 'patay' umano ang Diyos.
Nariyan ang bawal magpatugtog ng masasaya at mabibilis na awitin gaya ng rock at disco, o kaya ay bawal ding kumanta.
Bawal daw humawak ng itak at matatalim na bagay kapag Biyernes Santo dahil tiyak na matagal na maghilom ang sugat kapag nasugatan ka.
Basta, maraming bawal noon kahit na nga ang pagbabasa ng komiks, songhits o magasin. Maging ang paglalaro sa labas gaya ng patintero, tagu-taguan, agawan-beys, siyatong at marami pang iba ay hindi rin uubra dahil siguradong mapapauwi ka agad, kung hindi man mapapalo ng walis sa puwet.
Killjoy naman, 'ika nga natin noon, pero wala tayong magagawa dahil ang salita ng matatanda ay batas na para sa atin.
Subalit makalipas ang mahabang panahon at ngayong lahat ng iyon ay mga alaala na lamang, ang sarap palang sariwain ng mga ito, at kung maaari lamang ay balikang muli.
Ano-ano nga ba ang nami-miss nating ngayon tuwing Mahal na Araw?
Unang-una ay 'yung 'Pabasa' o ang mga nagbabasa ng 'pasyon' sa bahay ni lola kung saan nakikisabay ka pa nga para lang makisabit sa miryendang pansit at kakanin. Sa totoo lang, nakaka-LSS naman talaga ang tono ng 'pasyon' noon kaya mapapakanta ka talaga.
At siyempre ang prusisyon ng bayan na dumaraan sa plasa kapag Biyernes Santo at kabilang na ang 'Station of the Cross' o 'Via Cruzes' kung saan hihinto ang mga tao sa ilang piling bahay na may dekorasyong akma sa Semana Santa.
Karamihan sa atin noon, hindi naman talaga prusisyon ang tunay na pakay kung hindi ang makapag-pakyut lang sa mga crush natin, o kaya ay makasama ang kanilang iniirog.
At dahil wala pang Netflix o You Tube noon para manood ng mga pelikulang pang-Holy Week, nanonood na lang ang mga bata sa TV ng pelikula tungkol sa buhay ni Hesus, o kaya ay ang classic na 'The Ten Commandments' na halos taon-taon ay siyang palabas kapag ganitong panahon.
Para naman sa mga walang TV, siyempre nagkakasya na lang tayo noon sa pakikinig sa drama sa radyo ng 'Siete Palabras' o '7 Last Words' na paulit-ulit ding mapakikinggan tuwing Seman Santa.
Inaabangan din natin noon ang mga nagpepenitensiya sa daan at mangha-manghang tayo, kung hindi man natatakot, sa mga mamang pinapalo ang sarili o nagpapalo sa likod ng latigo o kaya ay lubid na may matalas na bagay sa dulo.
Kitang-kitang mo kasi ang pagdurugo ng kanilang likod at hindi mo maintindihan kung bakit nila ginagawa iyon. Pero ang paliwanag sa atin ay para daw mabawasan umano ang kanilang kasalanan, o kung hindi man ay pagbayaran ang kanilang nagawang sala.
Isa pa sa hindi natin nakakalimutan ay yaong mga nagpapapako sa krus kapag Biyernes Santo. Sa totoo lang, nakatatakot silang tingnan at panoorin kaya minsan ay nakaka-trauma rin para sa ating mga bata.
Anuman ang mga alaalang dala ng Semana Santa, mananatili na iyong bahagi ng ating nagdaang kabataan.
Subalit, hindi natin nakalilimutan na ito ay panahon ng pagtitika, pangingilin at pamamanata na ngayon ay alam na natin ang tunay na kahulugan.
Kayo, ano pa ang naalala ninyo tuwing Mahal na Araw sa inyong lugar? Ibahagi mo naman.
No comments:
Post a Comment