Isa ka rin ba sa naisahan at nabiktima ng nanay mo noon dahil muntik mo nang maisubo ang isang buong tilapya o galunggong na nakalagay sa container ng ice cream at maayos na anakasalansan sa loob ng ref?
Kung gayun ay hindi ka nag-iisa sapagkat marami na ang umaming minsan ay nalinlang nga sila ng laman ng lalagyan ng Selecta ice cream na ginagawang imbakan ng isda ng mga Pinoy sa kanilang refrigerator.
Sino ba naman kasi ang hindi maeenganyong buksan ang naturang lalagyan lalo na kapag nasilip mo na ito ang paborito mong flavor na 'Rocky Road' o 'Coffee Crumble' o kaya ay 'Cookies & Cream'.
Kaya naman patok at nag-viral sa social media ang post ng isang netizen matapos niyang madiskubre na nag-iba na pala ng disenyo ang iconic na tub ng sikat na ice cream brand.
Sa ibinahagi kasing larawan ni Angelo Jose sa kaniyang Facebook noong isang araw, makikita rito na 'transparent' na ang plastic container ng Selecta; hindi gaya ng dati na kailangan mo pang buksan para silipin ang laman.
"Di na tayo malilinlang. Selecta na nag-adjust," ang nakatutuwang caption naman ni Angelo sa kaniyang post.
Relate naman dito ang maraming netizens na may kaniya-kaniyang nakatatawang hirit sa comment section.
Heto ang ilan sa mga komento mula sa iba't-ibang pages na nagbahagi ng post ni Angelo:
"Ay mas bet ko pa din kapag may thrill 'yung binunot mo sa ref."
"Wala nang pang uto kung sino maghuhugas ng plato."
"Haha... tandaan mo Selecta kahit anong gawin mong pagpapalit ng Ice Cream Container! Nanay lang namen Sakalam sa panlilinlang ng Laman."
"Awit. Alam na kung ano baon mo pag ito ginawa mong baunan."
"Aba dapat lang.. hirap kaya hanapin ng manok sa freezer."
"No more tilapia expectation."
Samantala, umani naman ng mahigit 59K reactions at 26K shares ang post ni Angelo na patuloy pa ring pinag-uusapan ngayon sa social media.
No comments:
Post a Comment