Ang gamit na gamit na takalan! Naabutan mo ba ang mga klasik na "gatangan"? Madalas mo bang nakikita na ginagamit ito ng iyong nanay o lola, o ng iba pang matatanda sa inyong bahay sa tuwing oras na para magsaing?
Sino kaya sa atin dito ang may "pinakamatandang" gatangan? Iyan ang tanong ng mga nagbahaging miyembro ng Nostalgia Philippines Facebook page kaugnay sa 'gatangan' na ginagamit sa bahay.
"Mga kapatid alin diyan ang ginagamit n'yo pagtatakal ng bigas na isasaing?... pang gatang na gamit lata ng condensed milk sa sinaunang panahon pa ginagamit... o yung plastic cup, sa makabagong panahon na mas kilala ng mga kabataan ngayon?"
Nagkaroon din ng pagbabalik-tanaw kaugnay sa pagsasaing.
Natatandaan mo pa ba? Ilang taon ka natutong magsaing? Ganito ba ang baldeng taguan ninyo ng bigas?
Ilang gatang(scoop) ng bigas madalas mong isaing? Ako: mula 8 years old sanay nako magsaing at dali (guhit sa daliri ng kamay ang panukat sa tubig bago isalang sa apoy. - De Guzman PJ
Ipinakita niya rito ang sisidlan nila ng bigas at ang ginagamit na pantakal kada magsasaing na 'gatangan' ang tawag. Depende kasi sa dami ng kakain ang bilang ng gatang na isasaing. Marami rin ang nagbahagi ng kaalaman sa kung paano sila magsaing, sa dami ng tubig atbp.
Noon, hindi maitatanggi na marami ang gumagamit ng lata ng biskwit bilang imbakan ng bigas na binili. Antigo na rin ang gatangan na gamit ng ating mga lolo at lola na lata ng kondensada, sardinas o iba pa.
Mayroon din namang nagbahagi na bao ng niyog ang kanilang gamit. Mainam nga naman at hindi kinakalawang.
Ayon kay Nheil Quijano, mas sanay pa rin siya sa pagtakal ng bigas sa bao. "Elementary pa lang ako, ito na ang gamit namin...hanggang ngayon."
May pamahiin pa nga kaugnay dito. Ayon sa ibinahagi ni netizen Aurea DV sa NP page, "Ang gatang (pantakal ng bigas) ay hindi dapat inilalagay ng pataob sa loob ng palabigasan, dapat daw nakatihaya at puno ng bigas para hindi nawawalan ng laman ang palabigasan."
May nagbahagi rin ng larawan ng mga takalan ng bigas na binibili noong araw na hindi pa ginagamit ang portable na timbangan.
"Ang isang salop na bigas ay anim (6) na gatang. Noong hindi pa uso ang timbangan ay salop ang ginagamit namin sa pagtatakal ng bigas," ani ng isang netizen na tila nagtinda rin ng bigas noon.
"Noon til mid 70s na ang isang salop ay anin na gatang at ang isang kilo ay 2.5 gatang lang or limang gatang. Nawala lang ang paggamit ng gatang at salop nung inintroduce na ang paggamit ng kilohan/timbangan sa mga pamilihan," ayon naman sa isa pang ka-NP.
No comments:
Post a Comment