Isa sa mga laman ng balita at social media pages ngayon ay ang kontrobersyal na motivational speaker, social media personality, fitness coach, at negosyanteng si Rendon Labador dahil sa madalas niyang "pagsakay" sa mga isyung nagaganap lalo na sa showbiz.
Kamakailan lamang, nag-grand launching na ang kaniyang bagong tayong negosyong sports restaurant-bar, na aniya ay kauna-unahan sa Pilipinas, subalit "nilangaw" daw ito dahil walang mga pumuntang customer upang suportahan siya't tikman ang mga putaheng itinitinda rito.
Isa pa, usap-usapan din ang tila overpriced daw na isang takal ng kanin na nagkakahalaga ng 100 pesos.
Depensa ni Labador sa kaniyang Facebook posts, sinadya niya ito at ang tawag daw rito ay "motivational rice." Aniya, ang presyo ng kanin sa kaniyang sports resto bar ay motibasyon sa lahat upang makaahon sa kahirapan: kapag na-afford mo na raw ang ganitong presyo ng kanin sa isang kainan lamang, tiyak na nakaluluwag-luwag ka na sa buhay. Simbolo raw ito ng mga taong hindi basta-basta sumusuko sa buhay, ayon pa sa ulat.
Bagay na inalmahan naman ng karaniwang netizens gayundin ng ilang social media personalities, gaya nina Jack Logan at Bryanboy. Ayon sa Balita, ipinamukha ng huli ang kaniyang "Gucci rice" na nagkakahalagang 20,000 euros kada kilo, at palagay niya, ito raw ang mas nakakapagpa-motivate.
Ang tanong, may namo-motivate nga ba sa motivational rice ni Rendon?
Mukhang mayroon naman, dahil may bersyon nito ang isang netizen na nagngangalang "Elvis Amiga," isang kakanin vendor mula sa Negros Occidental. "Ang Manuglibud" ang Facebook name niya na nangangahulugang "Maglalako."
Ngunit sa halip na kanin, "motivational hotdog with cheese" naman ang kaniyang sinubukang itinda, na nagdulot naman ng katatawanan sa netizens, dahil sa maling spelling ng salitang "cheese." Gaya ng presyuhan ni Rendon, 100 piso rin kada piraso naman ang motivational hotdog.
"Ang motivational hotdog ay para sa taong lumalaban. Hahaha," aniya sa caption.
Sa halip na "cheese," "chess" o isang uri ng board game ang naisulat ni Elvis kaya lalo itong pinaglaruan ng mga netizen.
"Unang kagat, checkmate agad!" biro ng mga netizen.
Ayon sa kaniyang Facebook reels, siya rin naman ang kumain ng motivational hotdog niya dahil walang bumili nito.
Isa pa, katuwaan lamang daw ito at hindi naman niya akalaing magiging trending.
No comments:
Post a Comment