Hinangaan ng mga local at maging ng mga Hollywood celebrities ang pagiging cover model ng isang magazine ni Whang Od na kilala bilang mambabatok o traditional tattooist na taga-Kalinga.
Si Whang-Od, o Apo Maria Oggay, ang siyang napili ng Vogue Philippines magazine para maging cover model ng kanilang April 2023 issue.
Sa edad na 106 anyos, si Whang Od na ang maituturing na pinakamatandang personalidad na naitampok sa cover ng Vogue sa kasaysayan ng popular na lifestyle magazine.
Ang larawan ni Whang-Od sa pabalat ng Vogue ay kuha ng photographer na si Artu Nepomuceno habang ang write up naman tungkol sa kaniya na may titulong "Apo Whang-Od And The Indelible Marks Of Filipino Identity" ay sinulat ni Audrey Carpio.
Samantala, humanga naman sa larawang ito ng Pinay na mambabatok ang Hollywood star na si Halle Berry. Ibinahagi pa ng aktres sa kaniyang mga followers sa Instagram ang naturang cover ng Vogue.
Ani Halle sa kaniyang caption, "Now THIS is real beauty" habang binigyan niya rin ng kredito si Nepomuceno bilang photographer ng larawan ni Whang-Od.
Karamihan sa mga IG followers ni Halle Berry ay sumang-ayon dito kabilang na ang kapwa-Hollywood actor na si Mario Lopez na nagkomento rin ng "She's awesome. 106yrs old!"
Pinusuan din ang kaniyang post ng celebrity supermodel na si Naomi Campbell.
Maging ang Fil-Am comedian na si Jo Koy ay proud rin sa pagiging cover model ni Whang-Od. Sa kaniyang Instagram nitong Linggo, ibinahagi ni Jo Koy ang larawan ni Whang Od na tampok sa Vogue.
"At 106 years old this Filipino icon is finally getting her flowers! This is the best Vogue cover ever. Mahal kita APO WHANG-OD," anang komedyante sa kaniyang post.
Sang-ayon naman dito ang mga local celebrities gaya nina Vina Morales, Joross Gamboa, Lovely Rivero, Isabelle De Leon, Tony Velasquez at marami pang iba.
Kabilang din sa nagpahatid ng kanilang pasasalamat dahil sa pagkilala kay Whang-Od sa international scene ay ang aktres na si Cherry Pie Picache at designer Rajo Laurel.
Ayon sa Vogue Philippines, si Whang-Od ay simbolo ng angking lakas at ganda ng mga Pinoy.
"Heralded as the last mambabatok of her generation, she has imprinted the symbols of the Kalinga tribe—signifying strength, bravery, and beauty—on the skin of thousands of people who have made the pilgrimage to Buscalan," ayon pa sa IG post ng magazine.
No comments:
Post a Comment