Hindi maitatanggi ng mga Pinoy na bukod sa mga pagkain ay bida rin sa tuwing pista ang mga laro sa perya—classic at waring bahagi na ng tradisyon sa iba't ibang lugar sa bansa.

Sa kabila ng katotohanan na suwertehan lang sa ibang mga laro na nasa perya—at mas malaki ang posibilidad na maubusan ka ng pera kaysa makapag-uwi ng premyo—hindi maikakaila na maraming masasayang alaala ang kakabit na ng mga ito, kaya naman hanggang ngayon ay hindi naluluma ang pagkahilig dito ng mga Pilipino.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang masasaya nilang sandali habang naglalaro ng perya games; katulad ng balloon pop, color game, at iba pa.
"Ako, color game at veto veto ang favorite ko. Dumadayo pa kami ng mga barkada ko sa ibang barangay para magperya," kuwento ng social media user na si C. A.

"Ako, no'ng maliit pa ako, lagi ako sa peryaha. Haha!" pag-aalaala ni M. B. "Pagkatapos ng pista sa bayan namin dadayo pa kami sa karatig-bayan kasi bitin kami. Three days lang ang pista namin."
May nakatutuwa ring alaala na binahagi si S.I. tungkol sa nagbabantay sa isa sa mga game na mayroong ginawang good deed sa kanya kaya naman hindi niya pa rin nakalilimutan.
"Salamat sa nagbabantay na babae at nagbigay akin ng libreng Peewee noong bata ako kahit 'di ako naka-shoot ng 25 sentimos sa mga parisukat," wika niya.
Samantala, saad naman ni B. H., "Hahaha iyong nakamagkano ka na muna bago nakatama ta's 'pag nakuha mo na iyong Peewee tuwang-tuwa ka na. Kung tutuusin, kahit ilang Peewee na sana nabili mo sa halagang naitalo mo, pero wala e masaya kasi nakaka-enjoy at ang sarap sa feeling na iyong kinakain mo galing sa hirap."

Ikaw, ano ang mga hindi mo makalilimutang perya game?
No comments:
Post a Comment