Nilinaw ni Marlou Arizala, na nakilala noon bilang si Xander Ford, na hindi si Ogie Diaz ang kaniyang pinariringgan na nagprisinta umanong ninong sa binyag ng kaniyang anak subalit hindi naman nakapunta.
Naging usap-usapan ng mga netizens kamakailan ang sunod-sunod na post ni Marlou hinggil sa mga inimbitahan niya raw na mga kakilala para sa binyag ng kanilang anak ni Gema Mago na si Xeres Isaiah subalit hindi naman nakadalo ang mga ito.

Kabilang na rito ang isa umanong naprisintang maging ninong na nangako pang sasagutin ang kalahati ng gastusin sa binyag pero hindi naman sumipot.
Ayon pa sa IG story ni Marlou, nagalit pa ito sa kaniya kahit hindi naman siya nagbanggit ng pangalan sa kaniyang post.
Bilang reaksiyon naman, tinanong ni Ogie sa kanilang You Tube vlog kung siya ba ang pinariringgan ni Marlou sa mga posts nito.

Inamin ni Mama Ogie na isa nga siya sa mga ninong ni Baby Xeres at hindi nakadalo sa binyag dahil may commitment siya nang araw na iyon bukod pa sa medyo may kalayuan ang Cavite kung saan ginanap ang pagdiriwang.
BASAHIN: Xander Ford dismayado matapos 'isnabin' ang binyag ng kaniyang anak: 'Di naman na kami sikat'
"Ako ba pinariringgan mo Xander Ford? Kung ako man itong pinariringgan mo Xander, pasensya na. Pero hindi ako nag-promise kay Xander na makakarating kasi nga 'yun nga 'yung conflict doon," wika ng talent manager.

Sa kaniyang sumunod na vlog ay binasa rin mismo ni Ogie ang mensaheng ipinadala sa kaniya ni Marlou para linawin ang isyu.
"Mama Ogie, hindi po ikaw yan. Isang a little bit friend na medyo kilala sa socmed ang nagsasalita against sa akin at nadamay pa ang anak ko. Pero siya rin yung taong nagprisinta na siya na lang din daw ang ninong dahil kung hindi, magtatampo daw siya," mensahe ni Marlou.

"Tapos nangako pa siya sa amin na sasagutin pa daw niya ang kalahati ng handaan. Hindi ako umasa dun, sa presensiya na lang sana," dagdag pa ng dating Hasht5 member.
Nilinaw rin ni Ogie na hindi man siya nakarating sa binyag ay nagpadala naman siya ng pakimkim kay Baby Xeres at natanggap naman daw ito nina Marlou.
Panoorin ang 'Ogie Diaz Showbiz Update':
No comments:
Post a Comment