Kahit may anak na, nakapagtapos pa rin sa Senior High School si Rita Gaviola na sumikat noon sa social media at nakilala bilang si 'Badjao Girl'.
Sa kaniyang Instagram account nitong Miyerkules, Mayo 3, ibinahagi ni Rita ang larawan kung saan makikita siyang nakasuot ng toga at kasama ang kaniyang partner at kanilang anak na si Kiana.

"Kayo yung dahilan kung bakit ginagalingan ko sa lahat ng bagay," simpleng caption niya sa kaniyang IG post.
Agosto noong nakaraang taon (2022) nang unang isapubliko ni Rita ang pagkakaroon ng anak sa pamamagitan rin ng Instagram.

Sa isang pahayag noon, nagpasalamat siya sa mga patuloy na sumusuporta sa kaniya kahit pa umano marami ang na-disappoint sa kaniyang desisyong magkapamilya.
"Sa mga nadissapoint or madami pang sasabihin saakin buhay ko yung tinatahak ko tsaka madami pa akong kayang gawin and maraming salamat po sa mga sumusuporta kasama na namin si baby kia sa susunod na mga vlog namin," anito.

Taong 2016 nang nakilala si Rita Gaviola, na noon ay 13 anyos lamang, matapos mag-viral ang kaniyang larawan habang namamalimos sa kasagsagan ng Piyesta ng Pahiyas sa Lucban, Quezon.
Ang naturang larawan ay kuha ng photographer na si Topher Quinto Burgos.

Marami ang naakit sa kaniyang simpleng angking kagandahan at tinagurian siyang 'Badjao Girl' ng mga netizens. May mga naantig din sa kuwento ng kaniyang buhay kaya may mga nagpaabot ng tulong sa kaniyang pamilya pati na sa komunidad ng mga Badjao.
Kinalaunan ay naipasok siya bilang isa sa mga housemates sa Pinoy Big Brother (PBB) nang taon ding iyon kung saan nakasama niya sa Bahay ni Kuya sina Maymay Entrata, Edward Barbers, Kisses Delavin at iba pa.
No comments:
Post a Comment