Marami nang mga pag-aaral ang magpapatunay na bukod sa pagiging "man's bestfriend" ay mataas ang IQ o intelligence quotient ng pet dogs kaya puwedeng-puwede silang maturuan ng tricks, na kadalasang nagdudulot ng good vibes sa mga tao.
Maaari silang turuang sumagot sa tanong sa pamamagitan ng pagkahol, gumamit ng banyo upang hindi pakalat-kalat ang kanilang ihi o dumi, at kung paano at saan sila kakain. Idagdag pa riyan ang pag-upo kapag sinabing "Sit!" o kaya naman ay pag-apir o high five kapag itinaas na ng amo ang kaniyang kamay.
Kaya naman gulat na gulat ang gurong si Cyrell Jones Sidlao o "Teacher CJ," nagtuturo ng Special Education o SPED sa Buyos Elementary School sa Sindangan, Zamboanga Del Norte, nang kusang kunin ng kaniyang alagang asong si "Rocky," isang Golden Retriever dog breed, ang parcel na idineliver sa kaniya ng delivery rider.
Ibinahagi ni Teacher CJ sa kaniyang Facebook post ang kuhang video mula sa CCTV, kung saan hagip ang mga pangyayari magmula sa pagtakbo ni Rocky at ng isa pang alagang asong si "Rambo" patungo sa gate ng kanilang bahay dahil sa pagdating ng delivery rider.
Tila sanay na raw ang delivery rider kay Rocky kaya iniabot nito ang parcel sa aso, na kaagad namang binitbit sa pamamagitan ng bibig. Nagawa pa raw haplusin ng delivery rider ang ulo nito, bago bumalik sa bahay at i-abot kay Teacher CJ ang delivered item.
Tuwang-tuwa naman si Teacher CJ sa ginawa ni Rocky na hindi na raw bago sa kaniya.
Kuwento ng guro sa Balita, hindi niya tinuruan si Rocky na kumuha ng parcel sa tuwing may magdedeliver sa kanilang bahay.
Sa palagay niya, laging nakikita ng alaga na excited siya sa tuwing may dumarating na delivery rider upang ihatid ang items na binili niya online.
"Yung tinuro ko lang na tricks sa kaniya is only sit and stop. Pero yung pagkuha sa parcel, siya lang talaga."
"Siguro nakikita niya na excited ako na pag may dumating at inaabot na parcel. Kaya pag may mag deliver, siya na ang tumatanggap. Binibigay naman ng rider tapos sabay haplos," proud na salaysay ni Teacher CJ.
Maging ang mga netizen ay natuwa rin kay Rocky.
"Bright dog!"
"Sana ganyan din mga aso namin hahaha."
"Kakatuwa, maaasahan!"
"Ang talino ni Rocky!"
Ang galing, 'di ba? Wala pang angal 'yan!
No comments:
Post a Comment