Emosyunal hindi lamang ang kapwa celebrities kundi maging ang avid viewers at followers ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga!" dahil sa ginawang pamamaalam ng mga institusyong hosts nito, na sina dating Senate President Tito Sotto III, Bossing Vic Sotto, at Pinoy Henyo Master Joey De Leon o mas kilala bilang "TVJ," sa TAPE, Inc.
Ayon sa pahayag ng tatlo noong Mayo 31, sasabihin na sana nila nang live ang kanilang pagkalas sa TAPE subalit pinagbawalan umano silang umere nang live.
Hindi naman nagpapigil ang tatlo at inihayag ang kanilang pamamaalam sa pamamagitan ng YouTube channel ng Eat Bulaga! at mababasa pa sa official Facebook page ng noontime show ang kanilang spiels.
Makalipas nito, sumunod namang napaulat ang pagbibitiw at pagsunod sa kanila ng iba pang hosts gaya ng JoWaPao (Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros), Allan K, Ryzza Mae Dizon, Ryan Agoncillo, at Maine Mendoza.
Una itong ibinahagi sa Instagram story ni Pauleen Luna-Sotto, isa sa mga EB host at asawa ni Bossing Vic.
Sa ibinahaging larawan ng resignation letter, makikitang naka-address ang naturang resignation letter kay Mr. Romeo Jalosjos, Jr., president at CEO ng TAPE, Inc., kompanyang producer ng Eat Bulaga.
"Dahil po sa mga nangyari, kami po ay magpapaalam sa TAPE, Inc. simula ngayong araw, May 31, 2023," mababasa rito.
Sa ibabang bahagi, makikitang pirmado ito ng mga nabanggit na hosts, na naka-sulat-kamay lamang.
"All the hosts, writers, sales, production, and cameramen followed suit immediately after TVJ's resignation," mababasang text caption dito ni Pauleen.
Bagama't nakalulungkot ang halos buong pagkalagas ng hosts sa noontime show, hindi naman naiwasan ng mga netizen na "pagdiskitahan" ang trending na resignation letter, ayon sa ulat ng Balita.
Naihambing kasi ito sa isang tipikal na resignation letter na may estruktura at kalimitang pormal at mahaba.
Narito ang ilan sa mga komento:
"Yung ganitong resignation letter dapat... straight to the point."
"Malulungkot na sana ako kaya lang kapag nakikita ko 'tong resignation letter nila, natatawa ako. Hindi talaga sila nagmimintis na magpatawa kahit sa mga ganitong sitwasyon."
"Minsan talaga hindi applicable ang mga principles of professional communication sa ilang contexts, like this resignation letter. Nonetheless, this letter perfectly delivered its message to the recipient. Minsan talaga umexit ka na lang, wala nang paliwanagan. Haha! Also, this is REAL LOYALTY. haha. Hindi oportunista."
"Ano ba 'yan?! Noong nagresign ako ayaw pa tanggapin kasi kelangan daw habaan ko pa, ganito lang pla sapat na. Jusko!"
"Nalulungkot ako Dabarkads. Pero mas nakakalungkot ang resignation letter ninyo haha. Sana nag-ChatGPT kayo."
"Ganito lang pala dapat ang resignation letter. Walang halong kaechusan."
Nagawan pa nga ito ng meme ng isang Facebook page para sa mga guro.
"Nagpapakahirap pa ako maghanap ng template para sa resignation, pwede naman pala ganito," saad dito kalakip ang resignation letter ng Dabarkads.
Dagdag pa, "Me be like: Salamat po sa lahat, kapagod ka eh, bounce na ako."
Samantala, abangers na rin ang mga tao kung ano-ano na ba ang susunod na hakbang ng TVJ at mga kasamahang nagbitiw sa Eat Bulaga. Hindi pa kumpirmado kung matutuloy ba ang espekulasyong lilipat sila ng TV network. Matulog ang balitang sa TV5 sila maglilipat-bahay. Ayon naman sa ulat ng Manila Bulletin, may offer sa kanila ang PTV, na government-owned TV network.
Ayon naman sa ulat ng Abante News Online, may line-up na raw ang TAPE sa mga bagong hosts at mukhang sa susunod na linggo na raw magsisimula ang bagong mukha ng noontime show.
No comments:
Post a Comment