Graduation march, toga, entablado, diploma at pagkilala sa mga mag-aaral. Isang milestone sa bawat kabataan.
Ngayong buwan ng Hulyo ang pagtatapos ng maraming estudyante sa elementary, sekondarya at kolehiyo. Marami ang sabik magpunta sa entablado kasama ang kanilang mga magulang; uuwing may bitbit-bitbit na medalya habang ibinabandera ang kanilang mga diploma.

Ngunit iba ang istorya ni Sundy, isang grade six student na kasalukuyang nag-aaral sa Taguig City. Hindi gaya ng ibang bata, tila pansamantala niya munang isinantabi ang pag-aaral at ang pagtatapos na malapit niya na sanang maabot. Imbes na medalya ang bitbit, mga nakasupot na mangga ang iniaalok nito sa mga dumaraan.
Isa sana si Sundy sa mga magsisipagtapos sa elementarya ngayong buwan ngunit noong unang semestre pa lamang ay tumigil na ito dahil sa kakulangan na rin sa pera ng kanyang mga magulang.

Pangarap ni Sundy na maging isang negosyante pagdating ng panahon dahil na rin sa nakasanayan na niyang humawak ng salapi sa araw-araw. Nakikita niya rin ito na magpapaunlad sa kanila sa kahirapan.
Sa ngayon ay nakatanaw na lamang muna ang trese anyos sa mga kaedaran niyang magsisipagtapos ngunit kaniyang sinisigurado na siya naman ang tutuntong sa itaas ng entablado sa susunod. Hindi niya sinusukuan ang kanyang pangarap.
Ang buhay ay hindi naman isang karera. May kanya-kanyang panahon ang bawat isa sa atin. Ang mahalaga ay ang patuloy na pag-usad kahit pa minsan ay hinihingi ng pagkakataon na medyo babagal ang pagsulong.
[Written and published with permission from subject as part of a school project.]
No comments:
Post a Comment