[New post] Walang Gutom 2027 food stamp program ng DSWD, umarangkada na
Hans Larrel Manalo posted: "Umarangkada na nga! Bilang parte ng Walang Gutom 2027 campaign ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinimulan na ang pilot run ng food stamp program sa Tondo, Manila noong Hulyo 18, 2023. Magsisimula ang food stamp program sa napi" Definitely Filipino News
Bilang parte ng Walang Gutom 2027 campaign ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinimulan na ang pilot run ng food stamp program sa Tondo, Manila noong Hulyo 18, 2023.
Magsisimula ang food stamp program sa napiling limang pilot sites: Tondo, Cagayan Valley, Bicol, Caraga at ang Bangsamoro sa Mindanao. Umabot sa 3,000 pamilya mula sa mga rehiyong ito ang kabilang sa mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Image via Office of the President Facebook Page
Sa ilalim ng food stamp program, makatatanggap ng food credits ang bawat benepisyaryo na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan (July to December). Magagamit lamang ang nasabing food credits bilang pambili sa mga accredited 'farmers-driven stores' at iba pang opisyal na pamilihan. Magmumula ang pondo na gagamitin sa unang anim na buwan ng programang ito sa mahigit-kumulang $3 million grant mula sa Asian Development Bank (ADB), habang inaasahang makatatanggap pa ng karagdagang pondo mula sa World Food Program.
Ayon sa DSWD, ang programang WALANG GUTOM 2027: Food Provision through Strategic Transfer and Alternative Measures Program (Food Stamp Program) ay binuo upang masolusyonan ang gutom at malnutrisyon dahil sa matinding kahirapan kung saan ay milyong milyong Pilipino ang nakakaranas. Ang mga pamilyang kumikita ng P8,000 kada buwan o pamilyang pasok sa "food poor" criteria ang mapapabilang sa mga benepisyaryo nito ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Image via DSWD
"Ang marching order ng Pangulo dapat malabanan natin ang stunting at ang kagutuman, pagsanib-pwersa ng mga iba't ibang programa ng gobyerno, para hindi sila piece by piece ang turing sa mga programa," wika ni DSWD Secretary Rex T. Gatchalian.
Nakikipagtulungan ang DSWD sa ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Agriculture, Department of Health, at Food and Nutrition Research Institute, para maisakatuparan ang programang ito.
Mula rito, target ng DSWD na maabot ang 300,000 benepisyaryo sa 2024 at maabot ang isang milyong pamilya sa 2025.
No comments:
Post a Comment