Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa kustodiya ng mga awtoridad ang veteran broadcaster na si Jose "Jay" Sonza kaugnay sa kinakaharap nitong mga kaso ng estafa at syndicated and large-scale illegal recruitment.
Sinabi sa GMA News Online nitong Martes ni Jail Chief Inspector Jayrex Joseph Bustinera, BJMP spokesperson, na dinala sa kanila si Sonza noong August 3, 2023 sa bisa ng commitment order mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 100.
"He was transferred by NBI (National Bureau of Investigation) Manila, and is currently in Quezon City Jail - Ligtas Covid Center Quarantine Facility, in Payatas, QC," ayon pa kay Bustinera.
Inihayag naman ng NBI sources, na July 18 nang pigilan si Sonza ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa airport na makalabas ng bansa patungong Hong Kong.
Dinala noon si Sonza sa NBI Airport Investigation Division dahil sa arrest warrant na inilabas ng korte laban sa kaniya.
Batay sa kopya ng commitment order na may petsang July 27, 2023, nakasaad na hindi maaaring palayain si Sonza maliban sa utos ng korte.
Nakasaad din na "NBI chief should comply with the commitment protocol provided in LGU Executive Order No. 30 signed by Mayor Josefina G. Belmonte, and the mandatory 14-day quarantine period at Quezon City Jail Ligtas Covid-19 Center (QCJ-LCC) located at Barangay Bagong Silangan, Payatas, Quezon City, instead of Quezon City Jail-Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan Quezon City." --FRJ, GMA Integrated News
No comments:
Post a Comment