Nagkaroon ka rin ba ng 'cravings' noong bata ka pa? 'Yung mga simpleng pagkain lang pero hindi mo natikman o na-enjoy noon? 'Yung mga pagkain o bagay na mayroon ang iba pero hirap na hirap kang matikman o makamit dahil hindi kayo nakaluluwag sa buhay? Hanggang takam ka na lang... hanggang hiling ka na lang na balang araw sana makabili ka rin at matikman ito?
Konek dito ang hatid na realisasyon ng netizen na may FB page na 'Life Stories with Kuys Dyek'.
Aniya sa kanyang post na may kalakip na larawan ng nasa pamilihan, "Iba sa pakiramdam na nakakabili ka na kahit papaano ng mga bagay na dati, di mo nabibili."
Inner Child
Ikinuwento niya na kapag nakapagtatabi siya ng pera ay naggo-grocery siya at namimili ng kanyang mga pangunahing kailangan o essentials.
Sunod niya umanong isinisingit bilhin ang ilang pambatang pagkain na hindi niya masyadong nakain noong paslit pa siya. Sabi nga niya, "Minsan, stick-o. Minsan, chuckie na chocolate drink. Tapos pini-feel ko yung paginom HAHAHA! Wala lang."
Pag-amin niya, "Gusto ko mag-catch up sa inner child ko. Kasi alam ko, deserve ko 'to. Alam ko, nakangiti yung batang ako habang iniinom yung chuckie niya na di nya kailangang manghingi."
"Nasa proseso pa tayo pero at least sa buhay natin, nakakaranas tayo ng kaunting ginhawa paunti-unti," dagdag pa niya, kasunod ang pasasalamat sa Diyos.
Marami ang naka-relate sa pagmumuni-muni ng netizen na si Kuys Dyek. Naitanong pa nga niya sa isa pa niyang post, "Ikaw anong mga pambatang food ang sinisingit mo sa cart?"
Malamang, hindi man sa grocery cart, meron sa atin na pabulong na humiling na sana bilhan din tayo ng ganito, ng ganyan kasi nakita nating masarap itong kinakain ng ibang bata.
"Relate po ako may mga bagay na wala sa akin nung kabataan ko. May mga pagkain na hanggang tingin lg ako at never kung nakain. Pero ngayon, na enjoy ko na ang lahat ng mga yan. Ang sarap sa pakiramdam na nakakain at nabibili Mo na ang lahat nag yan."
"I can relate it. And nakaka senti. Yung nkaka tikim lang kayo chocolate na imported o cup noodles kapag nagbigay yung kapitbahay nyong may abroad. haha"
"Naalala ko dati elementary day lagi lang Ako nakikihigop Ng Chuckie sa bespren ko mayaman thank you haha ngayon Sa anak ko na lang Ako nakikihigop Salamat sa Dios kaht panu nakakabili para sa anak."
Naroon ang masayang realisasyon --- na nasa proseso pa ang marami sa atin kaugnay sa ating buhay ngunit nakararanas na tayo ng ginhawa kahit paunti-unti. Kung dati ay paisa-isang piraso lamang ng Stick-O, maaaring ngayon ay may hatid na kilig ang nakabibili ka na ng isang sisidlan o higit pa ng iba-ibang flavors. Mga imported na Pringles at tsokolate na sa mga galing abroad lang nakakakita noon.
Nagkaroon ka rin ba ng 'childhood cravings' na noong lumaki ka na ay tinupad mo para sa iyong sarili o sa iyong mga anak?
No comments:
Post a Comment