Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon, isinagawa noong ika-31 ng Agosto sa Holy Apostles Senior Seminary ang Debate sa Filipino. Tinalakay ng mga pangkat ang paksang "Pagtibayin: Ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) tulad ng Chat GPT bilang isang makabagong pamamaraan ng pananaliksik at pagkatuto ay makatutulong sa pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon." Ang dalawang panig na nagdebate ay mga seminarista mula sa Pangkat Servi Domini 2028 at dalawang seminarista mula sa pangkat Unitas 2027. Sa panig ng Sang-Ayon ay sina Sem. Adriane Gabito, Sem. Ryan Bernard Pablo (Arkidiyosesis ng Maynila), at Sem. Arjay Ligamzon (Diyosesis ng Malolos). Sa panig naman ng Hindi Sang-ayon ay sina Sem. Jeffrey Barcoma (Diyosesis ng Legazpi), Sem. Fernan Angelo Gonzales (Diyosesis ng Malolos), at Sem. Ninonel Setosta (Diyosesis ng Novaliches). Ipinakita ng dalawang panig ang pangangailangan, praktikalidad, at kapakinabangan ng nasabing paksa.
Inilahad ng mga nasa panig ng Sang-Ayon na ang Artificial Intelligence tulad ng Chat GPT ay nakatutulong upang mapadali at mas maging epektibo ang proseso ng pananaliksik dahil higit na nagiging malawak ang maaaring pagkuhanan ng mga datos.
Hindi ito sinang-ayunan ng kabilang panig at iginiit na hindi lubusang maaasahan ang inilalabas na mga datos na gawa ng Artificial Intelligence.
Tumatak sa mga nakasaksi sa debate ang pagtatanong ng mga Hindi Sang-ayon sa kanilang katunggali - "Bakit kailangang magmadali?" Sinagot naman ito ng kabilang panig ng isa pang tanong "Bakit hindi kailangan magmadali?" Ang mga tanong na ito ay nagbunsod ng isang mas malalim na pagninilay ukol sa epekto ng Artificial Intelligence sa paghuhubog ng mga seminarista. Ito naman ang naging laman ng huling pananalita ni Reb. Pd. Roy Rexelle Decena, ang Rektor ng Seminaryo. Aniya, magandang siyasatin at pagnilayan ang tunay na layunin sa paggamit ng makabagong teknolohiyang ito. Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon pa rin ng maayos na pagkilatis sa paggamit ng Artificial Intelligence. Ang AI ay dapat na tulong sa higit na pagkatuto, hindi dapat nito pinapalitan at inaagaw ang sana'y gawain at tungkulin ng bawat isa sa paghahanap sa katotohanan at pagsulong ng karunungan.
Iginawad nina Reb. Padre Richard James Babao, Direktor para sa Intelektwal na Paghuhubog, at ni Reb. Padre Roy Rexelle Decena, ang mga katibayan sa paglahok sa mga seminaristang naging bahagi ng Debate 2023. Hinirang si Sem. Jeffrey Barcoma bilang pinakamahusay sa pakikipagtalakayan at si Sem. Adriane Gabito bilang pinakamahusay sa pakikipagtalastasan.
Pagkatapos ng palatuntunan, nagkaroon ng munting salu-salo habang nagpatuloy ang pagtatalastasan at pagninilay sa paksa sa hapag-saluhan.
No comments:
Post a Comment