"So, after almost 20 years… what brings you back here?" nakangiting tanong ni Clara.
Tinapos ko munang nguyain ang steak. Sinadya kong tagalan dahil naghahagilap ako ng isasagot na hindi na mag-uungkat ng maraming follow up questions. Napasulyap ako kay Rupert na tila walang nadinig at abala sa kinakain.
"Wala naman. May kinuha lang documents sa registrar. Baka maunahan pa akong makakuha ng diploma ng anak ko eh," pang-patay malisya kong sagot.
"Oh, I forgot to ask. Ilan na nga pala ang anak mo? How's Jim?" nakangiti pa ring tanong ni Clara sabay inom ng juice. May naiwang lipstick sa baso na agad naman niyang pinunasan. Parang nabigla naman si Rupert sa tanong at sumulyap kay Clara.
Nabigla din ako hindi dahil hindi normal na tanungin ng isang dating kasama sa bahay ang mga personal na bagay sa isang tao kundi ayokong pag-usapan ang estado ng married life namin ni Jim.
"Kate. Kate ang pangalan ng anak ko. Jim is good," maikli kong sagot.
"Isa lang pala ang anak ninyo. Perhaps naging busy sa career?"
Sasagot sana ako pero pagtingin ko kay Clara ay mukha ni Mama Tam ang nakita ko. Nakangiti at buhay na buhay. Napapikit-dilat ako ng tatlong beses bago nawala ang pangitain niya. Napansin naman ito ni Rupert at inakalang nabubulunan lang ako. Tinapik niya ako sa likod at hinagod.
"Andami mo kasing tanong, Clara. Pagod pa siguro si Leona. Buti pa ay dumaan muna tayo sa bahay para maibigay ko sa iyo ang documents na napirmahan ko," pinutol ni Rupert ang tensyon.
"Okay, boss. I am just happy to see Leona."
Hindi sumabay sa amin si Clara at minabuting mag-convoy na lang. Hindi ko maintindihan ang pagbabago sa asal ni Clara.Napahawak ako sa bulsa ng jacket ko para kapain kung may naiwan ba akong gamit sa restaurant.
"Tahimik ka?" basag ni Rupert sa katahimikan.
"Wala, nabusog lang sa treat mo. Thank you pala," sagot ko. Ngumiti siya sa akin at gumanti naman ako ng matipid na ngiti. Nahihiya ako sa mga kaganapan na sa tinagal na panahon ay parang mga ibang tao na ang mga taong naging bahagi ng aking kabataan.
"Belated happy birthday…" matamis niyang sabi.
Lumukso ang puso ko. Naaalala ko ang mga panahong pinaghahanda ako ni Mama Tam kapag birthday ko. Naroon si Jenny, Marie, Joy at Clara na halinhinang nagpapaypay ng iba-barbecue habang ako naman ay nagbabasa ng magazine sa tumba-tumba.
Naaalala ko din ang di inasahang madinig ko ang phone conversation ni Mama Tam sa kanyang amiga na medyo nakapagbigay sa akin ng ibang dating.
"Busy ako dahil birthday ng mamanugangin ko. Papakawalan ko pa ba ito kung kamukhang-kamukha ng anak ko?"
Mamanugangin? Parang napakaaga naman yata ng plano ni Mama Tam para sa amin. Marami pa akong pangarap sa buhay habang si Rupert ay tila naghahantay lang ng kung ano ang ibigay ng tadhana. Magaling ding makipag-negotiate si Mama Tam dahil kahit sa mga magulang ko ay nakumbinse niyang kami muna ang mag-celebrate ng 18th birthday ko at after mid-terms na lang ang grand celebration sa Pampanga. Inip na inip ako at gusto ko ng hilahin ang araw para dito.
"Belated happy birthday kako," patampong sabi ni Rupert.
"Ay, sorry. I mean, thank you," nagulat ko naman sabi.
Napatingin si Rupert sa bulsa ng jacket ko, "Kung ano-ano yata ang nasa isip mo."
Pinindot niya ang remote at kusang bumukas ang gate. Natanaw ko naman sa side mirror ang sasakyan ni Clara. Binuksan ni Rupert ang pinto ng kotse at saka ako bumaba.
"Sa front gate na lang ako dadaan. Thank you nga pala sa docs at sa treat mo. So nice to see you again, Clara," kaway ko.
Nagulat si Clara na paalis ako. Pinigilan naman ako ni Rupert pero inalis ko ang kanyang kamay. Hindi ko alam kung paimbabaw lang ba ang pagpigil niya o nagmamadali lang siyang ibigay ang kailangang documents ni Clara pero mabilis din akong nakalakad palayo sa bahay.
Yakap-yakap ko ang documents habang sinasara ang front gate. Lumulukso ang puso ko sa mga ala-ala ng aking kabataan na pinalala pa ng pagtataka sa malapit na ugnayan ni Clara at Rupert. Iyon lang at mabilis kong inabot ang bulsa ng jacket ko para kumalma. Ayokong datnan ako ni Dina na parang wala sa sarili.
No comments:
Post a Comment